(NI ABBY MENDOZA)
(UPDATED)
NAKAPAGTALA ng 6.1 magnitude quake sa malaking bahagi ng Luzon, Lunes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Unang inireport ng Phivolcs na 5.7 magnitude ang lindol subalit binago ito ng ahensya.
Sa ipinalabas na bulletin ng Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 21 km, ang sentro ng lindol ay naramdaman sa Castillejos, Zambales.
Naitala rin ang Intensity V sa San Felipe, Zambales; Malolos at Obando saBulacan; Quezon City; Lipa, Batangas; Manila; Abucay, Bataan; Valenzuela City; Magalang, Pampanga
Intensity IV naman sa Pasig City; Makati City; Caloocan City; Meycauayan and San Jose del Monte, Bulacan; Floridablanca, Pampanga; Villasis, Pangasinan; Tagaytay City; Villasis, Pangasinan; Baguio City; Marikina City; Las Piñas City.
Intensity III ang naramdaman sa Dasmariñas at Indang sa General Trias, Cavite; Lucban, Quezon; Muntinlupa City; Cabanatuan City, Palayan City, Gapan City, Santo Domingo at Talavera, Nueva Ecija samantala Intensity II sa Baler, Aurora.
Wala namang panganib ng tsunami dahil sa lupa nanggaling ang lindol at inaalam na kung saan fault ito nanggaling. Ang tsunami ay karaniwan umano nararanasan kapag ang lindol ay nasa 6.5 magnitude.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum alas 5:11 ng hapon naitala ang pagyanig at naramdaman din ito mahigit 100 kilometers palayo kaya naramdaman ito sa Metro Manila.
“This is definitely not a major earthquake, it was just a minor one,” pahayag ni Solidum
Sinabi ni Solidum na ang movement na naramdaman ng mga residente sa Zambales ay vertical, up and dowm habang ang Metro Manila na malayo sa epicenter ay sideways ang movement na naramdaman.
Mula alas 5:47 hapon ng Lunes ay 17 nang aftershocks ang naitala ng Phivolcs.
Ipinaliwanag ni Phivolcs Deputy Director Bart Bautista na sa 6. 1 magnitude ay nasa 100 aftershocks ang kanilang inaasahan sa loob ng susunod na isa hanggang dalawang linggo.
Ang aftershocks umano ay nakaconfine lamang sa sentro ng lindol o sa Castillejos, Zambales kaya pinapayuhan ng Phivolcs ang mga residente na maging alerto, obserbahan umano ang mga gusali kung may mga crack lalo at hindi pa umano alam kung gaano kalakas ang magiging mga aftershocks.
340