Misis nanlalaki sa Saudi? MISTER NAG-RAMBO, KALABOSO

KALABOSO sa MPD Police Station 9 sa Malate, Manila noong Lunes ng umaga, ang isang 31-anyos na mister makaraang magwala at manutok ng .45 kalibre ng baril sa staff ng isang recruitment agency para sapilitang pauwiin ang kanyang misis na nagtatrabaho sa Saudi Arabia, na nabalitaan ng suspek na umano’y nanlalaki.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10691 (illegal possession of firearms) at grave threat ang suspek na kinilalang si Eufrecino Dereje, magsasaka, at residente sa Brgy. Looc, Nasugbu, Batangas.

Base sa pahayag ni Christine Arizo, 32, may asawa, documentation staff ng Jing International Placement and Promotion Services sa #934 San Andres St., Malate, alas-10:30 ng umaga nang biglang pumasok sa kanilang opisina si Dereje at pilit na pinauuwi ang kanyang misis mula sa Jeddah, Saudi Arabia, na nagtatrabaho bilang domestic helper.

Dahil sa pangungulit, tinawagan ng staff ang misis ng suspek na sinabi namang tatapusin na lamang ang kanyang kontrata.

Ngunit hindi umano pumayag ang suspek na biglang bumunot ng baril at itinutok kay Arizo.

Bunsod nito, humingi ng tulong ang staff sa MPD Station 9. Agad namang nagresponde sina P/Cpl. Andrew Paguian at P/Cpl. Ariel Pascual, ng Arellano Police Community Precinct, sakop ng Station 9, at inaresto ang suspek.

Sa panig ng suspek, sinabi nitong nais niyang pauwiin ang kanyang misis dahil nabalitaan niyang mayroon itong ibang karelasyon sa nabanggit na bansa. (RENE CRISOSTOMO)

64

Related posts

Leave a Comment