MOST WANTED SA MAYNILA ARESTADO SA BULACAN

SWAK sa kulungan ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDG) na nakabase sa Manila Police District, ang isang top 1 most wanted person dahil sa pagpatay at tangkang pagpatay sa live-in partners sa San Andres Bukid, Manila at natunton sa Baliuag, Bulacan noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni P/Major Delta Navarra, hepe ng CIDG-Manila, ang suspek na si Jhonny Martinez y Vinluan, 34-anyos, binata, kaanib ng Bahala na Gang at residente ng Batangas Line, San Andres Bukid.

Batay sa ulat ni P/Capt. Alfredo Tan Jr., hepe ng MPD-Warrant and Subpoena Section, nakipag-ugnayan sa kanila ang CIDG Manila para sa pagtugis sa suspek sa kasong murder at frustrated murder.

Dahil dito, nakipag-koordina muna sila sa Baliuag Police Station bago ikinasa ang manhunt operation ng pinagsanib na puwersa sa Dulong Bayan St., Barangay Sulivan ng nasabing bayan, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Regional Trial Court Branch 32 ng Manila.

Ayon sa rekord ng pulisya, binaril at napatay ni Martinez at dalawa pang mga suspek noong noong Marso 18, 2012 si Jasper Nico Jalarilla sa San Andres Bukid.

Matapos mapatay ang biktima, binalikan naman ng mga suspek ang kinakasama ng biktima na si Ana Rolyne Mercado ng Bo. Sta. Maria, Paco, Manila ngunit bigo ang mga suspek na patahimikin ang ginang. (RENE CRISOSTOMO)

277

Related posts

Leave a Comment