Nagpakilalang tauhan ni Mayor Belmonte 9 FIXERS SA QC ARESTADO SA ROBBERY-EXTORTION

TINIYAK ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kanyang ipakukulong ang ‘fixers’ na nag-o-operate sa Quezon City.

“Sa mga fixer at iba pang gumagawa ng ilegal sa ating lungsod, mabuti pang magbalot-balot na kayo dahil may kalalagyan kayo sa aming lungsod,” babala niya.

“Sa tulong ng Quezon City Police District, liliit lang ang inyong mundo at siguradong babagsak kayo sa kulungan,” dagdag nito.

Ang alkalde ay naglabas ng reaksyon matapos na may maaresto ang QCPD na siyam na suspek dahil sa kasong robbery extortion, grave threats at usurpation of authority.

Ayon kay QCPD Director P/BGen. Danilo Macerin, ang mga suspek ay nahuli sa entrapment operation ng Crime Investigation Section (CIS) kasunod ng reklamo ng contractor na kinilalang si Augusto Caesar Foronda.

Isa sa mga suspek ay kinilalang si Merlito De Luna, na nagyabang umano na siya ang nagsasaayos para mapadali ang anumang kontrata sa gobyerno partikular sa Quezon City, nang walang proseso sa bidding.

Sinasabi rin umano ni De Luna na silang lahat ay mga empleyado ng Quezon City government at alam ni Belmonte ang kanyang transaksyon sa biktima.

Nauna rito, ang mga suspek ay humingi ng P5.3 million mula sa biktima kapalit ng government contract na may kinalaman sa infrastructure project.

Matapos na magkasundo sa usapan, ang biktima ay humingi ng tulong sa QCPD na nagsagawa ng entrapment operation na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga suspek. (JOEL O. AMONGO)

78

Related posts

Leave a Comment