Price control ‘di sapat P100 DAGDAG-SAHOD, P10K AYUDA, TRABAHO SA JOBLESS TIYAKIN

KAHIT matuloy ang implementasyon ng iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na kontrol sa presyo ng baboy at manok sa Pebrero 8 ay hindi pa rin magiging maayos ang buhay ng mga manggagawa.

Sa ganitong konteksto, nanawagan ang Partido Manggagawa (PM) sa administrasyong Duterte na dagdagan ng P100 kada ang araw ang sahod ng lahat ng mga manggagawa sa bansa, bigyan ng P10,000 ayudang pera ang mga manggagawa sa informal sector na nawalan ng trabaho at bigyan ng trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay.

Ayon sa tagapangulo ng PM na si Renato Magtubo, “Price control is an initial step that falls short of the total package needed”.

Sa halip na sa Pebrero 2 ang simula ng implementasyon ng Executive Order 124 (EO 124) upang maging P300 ang pinakamataas ng presyo ng

baboy kada kilo ay iniutos ni Agriculture Secretary William Dar na sa Pebrero 8 ito ipatupad. Tatagal ng 60 araw ang bisa ng EO 124.

Agad inawat ni Dar ang implementasyon ng price cap ni Duterte dahil sa malaganap na reklamo ng mga nagtitinda ng baboy at manok na sinabing luging-lugi sila sa presyong itinakda ni Duterte.

Ayon sa pinuno ng PM, P100 ang nawala sa tunay na halaga ng minimum na sahod ng mga manggagawa kada araw, kaya panawagan ng PM ay dagdagan ng P100 ang sahod ng mga manggagawa.

Naniniwala si Magtubo na hanggang ngayon ay napakarami pang mga manggagawa ang walang trabaho hanggang kasalukuyan mula nang tanggalin sila sa kani-kanilang kumpanya.

Kaya binanggit niya ang panawagan ng NAGKAISA Labor Coalition sa administrasyong Duterte na magbalangkas ito ng “emergency jobs creation program”, o “unemployment support and work assistance guarantee” (USWAG).

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Nobyembre 21 hanggang 25 na inilabas ng SAKSI Ngayon nitong Pebrero 3, umabot sa 23.7 milyon ang mga manggagawang nawalan ng trabaho noong Setyembre 2020.

Bumaba ito sa 12.7 milyon nang sumapit ang Nobyembre.

Sa kabuuan, pumalo sa 37.4 porsistento ng kabuuang bilang ng lakas-paggawa ang nawalan ng trabaho noong 2020 na siya nang pinakamasahol sa lahat ng suliranin sa unemployment ng bansa mula noong 2012 na 28.8 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga manggagawa ang nawalan ng trabaho.

Sa 37.4 porsiyentong nawalang ng trabaho, Rehiyong Visayas ang nanguna sa nawalan ng trabaho sa iskor na 33%, sumunod ang Mindanao na 23%, dalawang puntos ang National Capital Region (NCR) at isang puntos lamang ang Balance of Luzon.

Ang itinuturing na mga manggagawang nawalan ng trabaho ay iyong mga nagsisimula pa lamang na maghanap ng trabaho, tinanggal sa kumpanya at boluntaryong umalis sa kanilang kumpanya, o pinapasukan.

Ang survey ng SWS ay napakalayo sa datos na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) na limang milyon ang walang hanapbuhay nitong nakalipas na taon.

Higit na malayo sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Oktubre na 3.8 milyong manggagawa ang walang trabaho. (NELSON S. BADILLA)

59

Related posts

Leave a Comment