P3.5-M SHABU NASABAT SA 2 ‘BAGONG’ DRUG PUSHER SA TAGUIG

DRUGS TAGUIG

(Ni NELSON S. BADILLA)

Nasabat ang P3.570 milyong halaga ng 525 gramo ng shabu at iba pa nang mahuli ng mga alagad ng batas ang dalawang itinuturing na “bagong” drug pusher sa buy-bust operation sa Lungsod ng Taguig kagabi.

Ang mga nakuhaan ng shabu o methampethamine hydrochloride ay sina Jayson Esguerra at Rodolf Dejos.

Batay sa ulat ng pulisya ng Taguig na pinamumunuan ni Senior Supt. Alexander Santos, nakuha ang P3.570 milyong halaga ng shabu at iba pang ebidensya kina Esguerra at Dejos mula sa ikinasang buy-bust operation dakong 10:30 p.m. sa loob ng isang bahay sa No. 28 Manuel L. Quezon Street, Brgy. Hagonoy.

Ayon sa ulat, hindi nakapalag ang dalawa dahil maliban sa mga tauhan ni Santos, kasama rin sa nasabing operasyon ang Regional Special Operation Unit (RSOU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA).

Bukod sa multi-milyong halaga ng shabu, nakumpiska rin kina Esguerra at Dejos ang 150 pirasong valium 10 na P12,000 ang street value at buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill, kasama ang ibang P1,000 pekeng bill upang mabuo ang P170,000 na napagkasunduang halaga ng shabu na bibilhin kina Esguerra at Dejos ng pulis na nagpanggap na bibili ng nasabing bawal na gamot.

Ayon sa impormasyon ng pulisya, sina Esguerra at Dejos ay “newly identified drug pushers” na kumikilos sa South Metro Manila at lalawigan ng Rizal.

Sa Lunes sila sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 dahil Sabado ngayon.

Ang pagkakasabat ng naturang multi-milyong halaga ng shabu ay naganap kasunod ng nakumpiskang mga multi-milyong ding halaga ng shabu sa Pasig City kamakalawa, Mandaluyong, at San Juan City ilang araw na rin ang nakalilipas.

8

Related posts

Leave a Comment