‘Pag ‘di tumalima sa open dumpsite closure LGU OFFICIALS KAKASUHAN

HINDI magdadalawang isip si Environment Undersecretary Benny Antiporda na sampahan ng mga kaso ang sinumang opisyal sa mga pamahalaang lokal na hindi tatalima sa March deadline sa pagpapasara sa “open dumpsites” na itinakda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ani Antiporda, lahat ng sangay ng DENR-Environmental Management Bureau (EMB) ay inatasang isara ang lahat ng open dumpsites hanggang Marso ng kasalukuyang taon.

Kapag naisara na ay kailangan mag-apply ang mga pamahalaang lokal sa nakasasakop na DENR-EMB, ng sertipikasyong nagsasaad ng “safe closure and rehabilitation of said areas,” patuloy ni Antiporda.

Ang pagpapasara ng mga bukas na imbakan ng mga basura ay nakabatay sa Republic Act 9003, o ang Solid Waste Management Act of 2000.

Batay sa rekord ng DENR, mayroon pang natitirang 233 bukas na mga imbakan ng basura sa maraming rehiyon sa bansa.

Idiniin ni Antiporda, kung sakaling hindi susundin ang March deadline na itinakda ni Secretary Roy Cimatu, bilang DENR undersecretary for Solid Waste Management and LGU Concerns, ay personal niyang pamumunuan ang pagpapasara ng mga imbakan ng mga basura at sasampahan niya ng mga kaso ang sinumang opisyal ng mga pamahalaang lokal na lalabag sa R.A. 9003.

Isinunod pa niya na kapag pinabayaang gumana ang mga bukas na basura ay maaaring sumabog ang mga ito dulot ng nabuong methane gas.

Kamakailan, sinabi ni Cimatu sa media na malaki ang tiwala niya kay Antiporda sa pagganap nito sa kanyang trabaho, tungkulin at obligasyon bilang isa sa mga opisyal ng DENR. (NELSON S. BADILLA)

 

96

Related posts

Leave a Comment