Sa kampanya vs ASF DILG SA LGUs: DIREKTIBA TIYAKING TUGMA SA DA, IATF

PINAALALAHANAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) na huwag maglalabas ng mga direktiba laban sa African Swine Fever (ASF) na taliwas at babangga sa mga patakaran ng pambansang pamahalaan.

Nagsalita ang DILG tungkol sa ASF dahil ayon sa tagapagsalita nito na si Undersecretary Jonathan Malaya, nabalitaan ng kagawaran na maraming LGUs ang naglabas ng kanya-kanyang direktiba na “restricting or limiting the entry of pigs, hogs, and related items to protect against the spread of ASF but this must not impede the flow of cargoes across LGU boundaries”.

Nagsimulang maglabasan ang mga direktiba ng LGUs laban sa mga karne ng baboy mula nang isisi ni Agriculture Secretary William Dar sa ASF ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng karne ng baboy mula Hulyo 2020 hanggang kasalukuyan.

Sumabay na ring magtaasan ang presyo ng iba pang bilihin na kailangan sa pang-araw-araw na pagluluto ng mga pagkain.

Noong Oktubre, naglabas ng Administrative Order (AO) si Dar na nagpapatigil sa pagtaas ng presyo ng karne ng baboy.

Ngunit nagpatuloy pa rin sa pagtaas ang presyo ng nasabing produkto at ang iba pang mga bilihin.

Nangangahulugang inutil ang AO laban sa pagpigil sa pagtaas ng presyo ng karne ng baboy.

Noong Oktubre ay nagsimula na ring bumilis ang inflation rate, ayon sa Ibon Foundation.

Nitong unang linggo ng Enero, inamin ng Department of Agriculture (DA) na nanatiling talamak ang ASF noong 2020.

Ipinaliwanag ni Malaya na “Although the conscientious efforts of LGUs to mitigate the spread of the ASF in their respective jurisdictions are needed, they still have to ensure that their local policies and directive are aligned and consistent with those of the national government”.

Kailangang makipag-ugnayan ang LGUs sa bawat pangrehiyong tanggapan ng DA upang matiyak ang “consistency” ng panglokal na direktiba laban sa ASF at ng “ASF zoning classification system” ng pambansang pamahalaan, wika ni Malaya.

Ang paalala ng tagapagsalita ng DILG ay nakaugnay sa DILG Memorandum Circular No. 2021-00 na nilagdaan ni DILG Officer-in-Charge Bernardo Florece, Jr.

Nakasaad sa memorandum na hinihimok ng DILG ang LGUs na kagyat nitong iwasto at ituwid ang kanilang mga direktiba laban sa ASF na salungat at kumakalaban sa batas at alintuntunin ng pambansang pamahalaan laban sa ASF.

Idiniin ni Florece na walang ibang dapat sundin ang LGUs sa isyu ng ASF kundi ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) Resolution No. 14 and Presidential Administrative Order No. 22, series of 2020 (patungkol sa ASF sa panahong mayroong pandemya ng COVID-19) upang hindi naman maantala ang galaw ng iba pang produkto mula sa isang lalawigan patungo sa ibang lugar.

Ngunit walang paliwanag sina Malaya at Florece kung ano ang magiging resulta sa presyo ng karne ng baboy at iba pang mga bilihin kapag tugma ang direktiba ng LGUs at pambansang patakaran laban sa ASF. (NELSON S. BADILLA)

173

Related posts

Leave a Comment