PHIL. NAVY PINAKILOS NA PARA MAGHATID NG TULONG SA DAVAO REGION

BUNSOD ng patuloy na nararanasang mga pag-ulan na nagdudulot ng malawakang pagbaha, pinakilos na rin ng Philippine Navy ang kanilang mga tauhan para maghatid ng ayuda sa malalayong lugar na hirap marating ‘by land’.

Sa ulat na ipinarating kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr., naghatid na ng tulong ang Naval Forces Eastern Mindanao sa pamamagitan ng kanilang BRP Tagbanua para sa mga kababayang naapektuhan ng pagbaha sa Davao Oriental.

Kabuuang 19,170 family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) XI, ang naihatid noong Linggo sa mga nasalanta ng pagbaha.

Ito’y matapos na maantala ang relief operations dahil sa pagkasira ng mga daan at tulay bunsod ng landslides dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga munisipyo ng Caraga, Lupon at Mati City.
Nagpasya ang Eastern Mindanao Command na hingiin na ang tulon ng Philippine Navy para magamit ang kanilang mga barko para makapaghatid ng relief supplies sa isolated communities sanhi ng mga pagbaha.

Nabatid na nakikipagkooperasyon din ang Naval Forces Eastern Mindanao sa mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor sa paghahatid ng tulong sa panahon ng sakuna o emergency.

Kaugnay nito, para maipaabot sa tamang oras ang kaukulang mga tulong, pinulong ng Office of Civil Defense ang operating arms ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga local chief executive ng lalawigan ng Davao del Norte.

Nanguna sa naturang pagpupulong si Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Hernando Caraig Jr., at OCD Region XI Director Ednar Gempesaw Dayanghirang.

Layon nito na makakuha ng impormasyon hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng kani-kanilang bayan dahil na rin sa matinding pagbaha dulot ng masamang lagay ng panahon.

Nag-ikot din ang mga opisyal ng OCD sa itinalagang evacuation centers kasama ang kanilang mga alkalde .

Ayon kay Caraig, bibisitahin din nila ang ibang lugar sa Davao Region kapag humupa na ang tubig-baha sa lalawigan.

Sa ngayon, pahirapan pang makapasok ang mga sasakyan at pagpasok ng tulong sa ilang mga lugar dahil barado o sarado ang pangunahing mga kalsada sa lugar.

Sinabi naman ng NDRRMC na P10,912,767 halaga ng tulong ang naipamahagi na sa apektadong mga residente. Ang tulong ay binubuo ng family food pack, modular tents, at pang sleeping kits.

(JESSE KABEL RUIZ)

138

Related posts

Leave a Comment