PILA NG PASAHERO SA MRT SA EDSA MAHABA, BUS KINULANG

mrtbus12

(NI DAVE MEDINA/PHOTO BY ED CASTRO)

HUMABA ang pila ng mga pasahero sa Edsa dahil sa kakulangan ng bus na bumibiyahe matapos umpisan na nitong Lunes Santo ang pagsasara sa loob ng isang linggo ng MRT3 dahil sa maintenance works.

Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na marami pa ring pasahero ang pumila sa MRT3 Edsa-Taft Station dahil sa kabila ng anunsyo na walang bibiyaheng tren dahil sa maintenance ay marami pa rin ang nagtangkang pumila para makasakay  sa MRT 3 station sa EDSA.

Ayon kay  MMDA Special Operations Head Bong Nebrija, bandang alas 8:00 ng umaga na ay aapat pa lamang na bus ang dumating sa istasyon at hindi sumapat  para maisakay ang lahat ng pasahero na dapat ay sasakay ng MRT train.

Bilang dagdag na ayuda sa sitwasyon ng mga pasahero, naglagay din ang MMDA ng mga tent sa Taft Station para silungan ng mga pasaherong patuloy ang pagpila.

Hindi naman napabayaan ng MMDA ang kanilang mandato na pangalagaan ang daloy ng trapiko partikular sa EDSA at Taft Pasay City dahil sinigurado nilang  maayos ang pagkakapila ng mga pasahero para hindi makaabala sa daloy ng mga sasakyan.

Nilinaw ni Nebrija na may mga lugar  kung saan nila pinapipila ang mga pasahero ng MRT 3. Ang pila ay malapit mismo sa bawat istasyon ng MRT3 upang hindi na mahirapang maglakad ng malayo ang mga mananakay.

Ang nangyari sa EDSA-Taft ay kabaligtaran naman ng nangyari sa southbound ng MRT na ang mga bus ay maagang nai-deploy para masakyan  ng mga pasahero papuntang Makati at Pasay area.

Alas 5:00 ng umaga pa lamang  ay may mga bus  nang nag-aabang ng mga pasahero sa North Ave. Station para sila isakay at ibaba sa bawat istasyon ng tren ng MRT 3 south bound ng EDSA.

Sa ulat naman ng Department of Transportation (DOTR), pagdating ng alas 6:00 ng umaga  ay umabot na sa 60 ang bilang ng mga bus na nai-deploy sa North Ave. station ng MRT 3.

Ang mga bus na pansamantalang pumalit sa serbisyo ng mga tren ay bibiyahe ng Martes Santo, Miyerkules Santo, Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay nang hanggang alas 9:oo ng gabi maliban lamang sa mga araw ng Huwebes (Maundy Thursday) at Biyernes (Good Friday).

 

126

Related posts

Leave a Comment