PNP-MARITIME GROUP TUTULONG ANTI-NARCOTICS COASTAL WATCH

NAKAHANDANG tumulong ang Philippine National Police Maritime Group sa pagbabantay sa mga dalampasigan bunsod ng naitalang paggamit sa coastal areas sa pagpupuslit ng ilegal na droga papasok ng bansa.

Bukod pa sa nakitang mga droga na palutang-lutang sa dagat na posibleng ibinagsak o sadyang inabandona gaya ng 42 kilo ng shabu na nakitang palutang-lutang sa dagat sakop ng lalawigan ng Ilocos Sur, na tinatayang nagkakahalaga ng P280 million.

Ayon sa PNP Maritime Police Regional Office 1, tutulong sila sa paggalugad sa coastal waters ng Ilocos Sur, kasunod ng pagsamsam sa pake-paketeng high grade shabu na namataang palutang-lutang sa baybayin ng nasabing lalawigan.

Matapos ang pagkakadiskubre sa 24 pakete ng shabu na may Chinese markings, habang palutang-lutang sa dagat sa Brgy. Solotsolot, San Juan, Ilocos Sur noong Hunyo 24, nasundan pa ito ng pagdiskubre naman sa 18 pang pakete ng shabu na palutang-lutang sa territorial waters ng Villamar, Caoayan ng lalawigang ito, kamakalawa ng umaga.

Nabatid kay PNP Maritime Police Director PBGen. Jonathan Cabal, sinimulan na ng kanilang mga tauhan sa Ilocos Sur ang paghahanap sa coastal barangays na posibleng napadparan o binagsakan ng ilegal na droga.

Ayon kay Gen. Cabal, hamon para sa maritime police ang pagba-backtrack sa ganitong mga kontrabando lalo na’t malawak ang katubigan na saklaw ng kanilang ‘area of responsibility’.

Magugunitang isang 48-anyos na mamamalakaya na residente ng Brgy. Bia-o, Sta. Maria, Ilocos Sur, ang nakadiskubre sa 18 pakete ng shabu na tulad ng 24 na nauuna, ay may Chinese markings din.

Habang nanghuhuli ng isda sa naturang lugar ang mangingisda, isang itim na sako ang nakita niyang palutang-lutang kaya kinuha niya ito.

Nang buksan niya ang sako para tingnan kung ano ang laman, nakita niya ang 18 pakete ng white crystalline substance. (JESSE KABEL RUIZ)

29

Related posts

Leave a Comment