(NI SAMANTHA MENDOZA/PHOTO BY KIER CRUZ)
NAG-INSPEKSIYON si Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu sa Port Area, Baseco sa Maynila at sa MOA sa Pasay City, kahapon ng umaga para alamin ang kondisyon ng tubig ng Manila Bay sa nabanggit na mga lugar.
Ayon kay Cimatu, ang naturang mga lugar ay kabilang sa pinagmumulan ng pagdumi ng Manila Bay.
Nabatid na may ulat na hindi lamang ang mga residente ang nagtatapon mga basura at mga human at animal waste sa karagatan kundi maging ang mga dumadaong na barko.
Aalamin umano ni Cimatu kung gaano na karami ang volume ng bacteria ng tubig-dagat sa lugar.
Ang inspeksiyon ay ginawa ni Cimatu bilang paghahanda sa P47 bilyon Manila Bay Rehabilitation Project na nakatakdang simulan ngayon Enero 27.
Magugunita na ininspeksyon kamakalawa ni Cimatu, ang estero na dinadaluyan ng mga maruruming tubig mula sa mga estalisimiyento, septic tank ng mga bahay at Manila Zoo sa Malate, Maynila.
Nalaman na ang rehabilitasyon ng Manila Bay ay hahatiin sa tatlong phase kung saan kasama na rito ang relokasyon ng mga informal settlers at ang pagpapasara sa mga establisimiyento na hindi susunod sa kautusan ng gobyerno na magkaroon ng water sewerage treatment facility.
Plano umano ng gobyerno na itulad sa Boracay ang gagawing rehabilitasyon ng Manila Bay.
345