(NI ABBY MENDOZA)
NGAYON pa lamang ay inaabisuhan na ng National Water Resources Board (NWRB) ang mga residente ng Metro Manila na magtipid ng tubig at ugaliin din ang pag-iipon sa harap na rin ng inaasahang pagbaba sa critical level ng tubig sa Angat Dam.
Ayon sa NWRB bago matapos ang buwan ng Abril ay bababa ang antas ng tubig sa Angat Dam at kapag nangyari ito ay apektado ang magiging supply ng tubig sa Metro Manila.
Sinabi ni NWRB executive director Dr. Sevillo David na 96 porsiyento ng supply ng tubig sa Metro Manila ay nanggagaling sa Angat Dam.
Sa datos ng NWRB ay nasa 187.7 meters na lamang ang antas ng tubig sa Angat Dam, 180 meters ang tinuturing na critical level.
“Sa projection namin, mga third week ng April nasa critical level na,” pahayag ni David.
Bagamat inaasahan ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam tiniyak naman ng NWRB na may ilang hakbang silang ipatutupad upang hindi ganun kalaki ang epekto sa mga apektadong residente.
Sa ngayon ay nagpapatupad ang mga water concessionaires ng water service interruptions sa kanilang mga customer tuwing peak hours.
156