PULIS SIBAK SA PAMAMARIL SA QC

pulis

SINIBAK sa serbisyo ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang isang pulis dahil umano sa pamamaril sa isang lalaki habang umiiral ang election gun ban sa Barangay Greater Lagro, Quezon City.

Sa 10-pahinang desisyon, hinatulang guilty ng PLEB si PSMS Chester Garchitorena ng Conduct Unbecoming of a Police Officer at Grave Misconduct, ayon kay Atty. Rafael Calinisan, Executive Officer ng PLEB.

Sinabi ni Calinisan na si Garchitorena, na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame, ay tumanggap ng parusa na dismissal sa serbisyo na may forfeiture of benefits at disqualification para sa muling pagtatrabaho sa anomang serbisyo ng gobyerno, ayon sa pagkakabanggit.

Nag-ugat ang reklamo laban kay Garchitorena sa isang insidente noong Pebrero 18, 2022 bandang 11:30 ng gabi nang masangkot siya sa away sa pagitan ng complainant na si Florose Buenafe at mga kaibigan ng pulis na pinamumunuan ni Michael Parayno.

Sa kanyang reklamo sa PLEB, sinabi ni Buenafe na nagsimula ang komprontasyon nang sumenyas si Parayno ng bad finger kay Levee Reynoso, na payapang nakikipag-hang-out kasama si Buenafe at kanilang mga kaibigan.

Nabatid pa sa ulat na sa pagsisikap na mabawasan ang tensyon, nilapitan ni Buenafe si Parayno at inihatid sa kanyang sasakyan. Sa pag-uudyok ni Buenafe, umalis si Parayno sa lugar.

Ilang sandali pa, bumalik si Parayno kasama ang mga kaibigan, kasama si Garchitorena, at naganap ang suntukan. Sa isang CCTV video, nakita si Garchitorena na may bitbit na sling bag na naglalaman ng kanyang government-issued firearm.

Sa pagdinig, napag-alaman na binaril ni Garchitorena si Buenafe sa kanyang binti habang binugbog naman ng iba pang kaibigan si Reynoso.
Ikinadismaya ni Mayor Joy Belmonte ang pangyayari dahil hinahayaan ng pulis na masangkot sa mga ganitong sitwasyon. Si Garchitorena ay kumilos sa paraang hindi karaniwan para sa isang miyembro ng unipormadong serbisyo,” sabi ni Belmonte. (PAOLO SANTOS)

79

Related posts

Leave a Comment