REP. TULFO: KULONG, PERPETUAL DQ SA NAMIMILI NG BIBIGYAN NG AYUDA

NAGHAIN ng panukalang batas si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo nitong Huwebes na naglalayon maipakulong at maparusahan ng perpetual disqualification ang mga opisyal ng pamahalaan na namimili sa pagbibigay ng tulong sa kanilang mga nasasakupan.

Ang House Bill, “An Act Penalizing Selective, Discretionary, and Discriminatory Acts in the Delivery of Cash, Livelihood, or Relief Assistance Programs of Local Government Units (LGUs)” ay magpapataw ng parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon at perpetual disqualification sa mga public official.

“Lagi nating naririnig ang problema na namimili si government official ng bibigyan niya ng ayuda mula sa gobyerno tuwing may kalamidad, pero wala namang nangyayari sa reklamo dahil walang napaparusahan dahil walang batas laban dito,” sabi ni Tulfo.

Ayon kay Tulfo, may mga pagkakataon na pinipili at inuuna ng mga lokal na opisyal ng gobyerno ang mga tatanggap ng mga programa ng tulong batay sa personal na konsiderasyon.

“Dapat ang ayuda ay walang pinipiling kulay. Dapat kahit anong partido ka, mapa-pula, berde, dilaw, pink, puti, it does not matter,” dagdag pa ng mambabatas.

Naniniwala si Tulfo na ang ganitong kasuklam-suklam na gawain ay direktang paglabag sa accountability at transparency sa government service.

“Ang iba namang opisyal inuuna ang mga kamag-anak tulad ng nangyari noong pandemya. Dapat hindi ganun,” aniya pa.

Sinabi ni Tulfo na hihilingin niya ang suporta ng kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS party-list na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo upang maging co-authors ng naturang panukalang batas.

25

Related posts

Leave a Comment