Sa pag-atake sa mga pamantasan DND AT AFP, NAGSASAYANG LANG NG ORAS

IGINIIT ng pinuno ng pinakamalaking alyansa ng mga pederasyon at unyon ng mga manggagawa sa bansa na “pagsasayang ng oras” ang kontra-komunistang kampanya ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga pamantasan.

Ayon kay Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, hindi lamang sa Pilipinas ang mayroong mga unibersidad na bawal basta-basta pumasok, maglunsad ng operasyon at manghuli ang sandatahang lakas nito, ng mga mag-aaral, propesor at mga opisyal ng pamantasan, kundi maging sa maraming bansa sa daigdig.

Mahigit 40 organisasyon at unyon ng mga manggagawa mula Luzon hanggang Mindanao, ang kasapi ng NAGKAISA, kabilang na ang Federation of Free Workers (FFW) kung saan ilang taon na ring pinuno si Matula.

Dahil sa ganyang kaayusan sa mundo, “It is therefore a waste of time for the [defense and] military [establishments] to argue its flawed logic and to carry out its anti-communist campaign inside the campuses,” ratsada ni Matula.

Tinuran ni Matula na inaanyayahan at inuudyok lamang ng DND at AFP ang mga binubuo ng mga pamantasan na mag-alsa at lumaban sa pamahalaan.

Naglabas ng posisyon ang NAGKAISA hinggil sa kontra- komunismong aksyon ng administrasyong Duterte dahil napakarami ring karanasan ang mga manggagawa mula sa mga sundalo at pulis.

Ang pinakabago sa kontra-komunistang atake ng administrasyong Duterte ay ang sorpresang pagpapatigil ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kasunduan nito sa University of the Philippines (UP) noong 1989 na ang layunin ay huwag maging masyadong malaya ang AFP sa pagpasok, paglulunsad ng operasyon at panghuhuli ng mga aktibista sa loob ng nasabing pamantasang pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan.

Lungga raw ng mga kaaway ng pamahalaan, kabilang ang mga armadong komunista, ang UP, tirada ni Lorenzana, kaya niya pinutol ang DND-UP Accord.

Kamakalawa, isiniwalat naman ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., hepe ng Southern Luzon Command (SolCom) ng AFP na labingwalong unibersidad sa Metro Manila ang matagal nang pinagrerekrutan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ng mga kadre at gerilya nito.

Noong 1992, nagkaroon din ng kasunduan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa UP upang pagbawalan din ang mga opisyal at kasapi ng Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng operasyon sa UP nang walang pahintulot mula sa pamunuan ng naturang paaralan.

Mayroon ding hiwalay na mga kasunduan ang DND at DILG sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Ang pagbabawal sa mga opisyal at kasapi ng AFP at PNP na magsagawa ng operasyon nang malaya, o anumang oras nilang isagawa, ay ipinagbabawal ng Konstitusyong 1987. (NELSON S. BADILLA)

96

Related posts

Leave a Comment