SEGURIDAD PARA SA 28M ESTUDYANTE TINIYAK NG PNP

TODO ang paghahandan ng pamunuan ng Philippine National Police sa inaasahang pagbabalik eskuwela ng 28 milyong estudyante sa buong bansa.

Naglabas ng guidelines si PNP Chief General Benjamin Acorda para matiyak ang peace and order at public safety sa lahat ng mga paaralan, transportation hubs at places of convergence sa inaasahang pagdagsa ng mga mag-aaral sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, kaakibat ng kanilang preparasyon ang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa paglulunsad ng PNP: Oplan Balik Eskwela sa susunod na Lunes, Agosto 14, 2023.

Para sa ligtas na pagbabalik eskwela ng mga estudyante at guro sa Agosto 29, ay naglabas ng operational guidelines ang PNP na tinawag na ‘Oplan Balik Eskwela school year 2023-24’.

Libo-libong mga pulis din ang ikakalat sa pagbubukas ng klase sa buong bansa sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 29 at itatalaga sa mga police assistance desk malapit sa mga paaralan para magbantay ng seguridad ng mga mag-aaral, mga guro at magulang na inaasahang magdadagsaan sa araw ng pasukan.

Bukod pa ‘yan sa mga pulis na nakatoka sa pinalawig na mobile at beat patrol sa bisinidad ng mga paaralan.

Samantala, sinabi pa ni Fajardo na inatasan din ang mga unit commander na makipag-ugnayan sa mga pamunuan ng mga paaralan at parent-teacher groups para sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga mag-aaral mula sa banta ng criminal elements.

Pinag-aaralan din ang pagpapadala ng mga pulis para lumahok sa Brigada Eskwela at simulation exercises (SIMEX) upang sanayin ang mga mag-aaral sa mga posibleng insidente tulad ng bomb threat, sunog, lindol, at iba pang sakuna.

(JESSE KABEL RUIZ)

102

Related posts

Leave a Comment