SWEET DELIGHT: ROSES, CHOCOLATES HANDOG NG MGA PULIS

choco14

(NI KEVIN COLLANTES)

ILANG tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang nangharana at namigay ng mga bulaklak at tsokolate sa mga pasahero sa mga istasyon ng tren sa kani-kanilang nasasakupan.

Ito’y bilang handog ng PNP para sa selebrasyon ng Araw ng mga Puso.

Sa Central Station ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1),  pinangunahan mismo ng director ng Manila Police District (MPD) na si P/Chief Supt. Vicente Danao Jr. ang Harana ng mga Pulis, ganap na 10:00 ng umaga.

Bukod sa panghaharana ay namigay din ang mga pulis ng mga rosas at mga tsokolate sa mga commuters ng naturang mass rail system.

Mismong si Eastern Police District (EPD) director P/Chief Supt. Bernabe Balba naman ang nanguna sa Harana ng mga Pulis sa Boni Station ng Metro Rail Transit Line (MRT-3) sa Mandaluyong City, dakong 9:00 ng umaga.

Namigay rin ng mga bulaklak at mga candies si Balba at ang kanyang mga tauhan, kabilang si PO1 William Cristobal, na matatandaang sinabuyan ng taho ng isang Chinese student matapos na hindi ito payagang makapasok sa istasyon ng tren dahil sa dala niyang likidong pagkain.

May mga tauhan rin ng EPD ang nangharana naman sa mga pasahero sa Shaw Boulevard Station, gayundin sa J. Ruiz Station.

Samantala, nagmistula namang concert area ang isang bahagi ng istasyon ng MRT-3 sa Cubao, Quezon City, matapos haranahin ng mga pulis ng QCPD, na pinamumunuan ni P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. at ng PNP national headquarters ang mga pasahero doon.

Isang banda ng mga pulis ang tumugtog ng love songs habang ang ilan naman ay namigay ng bulaklak sa mga babaeng pasahero.

Game namang nakisayaw ang ilang pasahero sa mga pulis, upang ipakita ang kanilang kagalakan sa kanilang ginawa.

 

 

224

Related posts

Leave a Comment