RAPIDO Ni PATRICK TULFO
NAGBUNGA na ang aming walang sawang pagbabantay at pagtugaygay sa libo-libong balikbayan boxes na inabandona sa Bureau of Customs.
Una nang nailabas ang pitong CMG cargo containers na idineliber ng Atlas Brokerage at Express Padala ang mga laman ng naturang containers na inabot lamang ng tatlong linggo.
Ngayon naman, ang tatlong containers ng Kabayan Island Express Cargo ang isinunod ng BOC.
Sa aming panayam kay Bureau of Customs Director Michael Fermin, malugod nitong ibinahagi ang magandang balita. Sinabi nito na nailabas na sa BOC ang unang Kabayan Island Express Cargo container at inihatid sa warehouse ng Portnet sa Sta. Ana Manila kung saan pwede na itong kunin ng recipients na nakatira lamang dito sa NCR at maging sa kalapit na mga lalawigan.
Sa pinakabagong update na ibinigay sa amin ni Dir. Fermin, sa aking programang “Rapido ni Patrick Tulfo” sa DZME 1530khz, sinabi nito na maayos naman ang pagkuha ng mga padala ng recipients na kanilang tinawagan bago pinapunta sa warehouse nito lang nakaraang linggo.
Sinabi ni Dir. Fermin na ilalabas na ngayong linggo ang dalawang natitira pang containers ng Kabayan Island Express Cargo at aabisuhan ang recipients nito bago sila papuntahin sa Portnet.
Samantala, sa usapin naman ng labing-anim na containers ng Allwin Cargo na matagumpay na naisubasta noong Biyernes, sinabi ni Dir. Fermin na inaasahan niya sa ikatlo hanggang huling linggo ng kasalukuyang buwan magsisimula ang distribusyon ng mga laman nito.
Kinumpirma naman ni Dir. Fermin na hindi pa mailalabas ang dalawang cargo containers ng inabandona ng CMG Cargo dahil kinakitaan daw ito ng paglabag sa ilang patakaran ng BOC maging ang dalawang naiwan na Allwin Cargo dahil naglalaman daw ng mga kahon na hindi naman balikbayan boxes. Pero sinabi nito na magkakaroon ng meeting ang mga opisyales ng BOC upang madaliin na ang proseso para maisubasta na rin ang containers at nang mailabas na rin sa Bureau of Customs.
***
MAG-ASAWANG URBIZTONDO
TUTULONG DAW SA BOC
Nabanggit naman ni Director Fermin na gusto raw tumulong ng mag-asawang Glory at Ernesto Urbiztondo sa BOC upang maimpormahan ang recipients ng mga kahon. Hindi dapat pasalamatan ng taong bayan ang dalawang ito dahil sila mismo ang puno’t dulo ng problema to begin with.
Bagkus dapat na ituloy ng BOC ang pagsasampa ng reklamo laban sa mag-asawang Urbiztondo upang maparusahan sa kanilang ginawa.
