HINIMOK ng Malacañang ang mga Pilipino na subaybayan ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC), dahil kapwa Pilipino ang mga nagrereklamo at ang akusado sa kaso.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi lamang ang pamahalaan ang dapat sumubaybay sa mga pagdinig dahil direktang sangkot dito ang mga Pilipino.
“Hindi lamang ang gobyerno ang dapat sumubaybay sa anumang hearing; ang sangkot, ang involved, ay mga Pilipino,” pahayag ni Castro.
“Tandaan po natin: ang kaso sa ICC ay ang mga complainants ay mga Pilipino. Ang nasabing akusado, respondent, ay Pilipino,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Castro na mahalagang subaybayan ng publiko ang mga pagdinig dahil bahagi ito ng proseso ng paghahanap ng katarungan.
“Lahat po ng ating mga kababayan ay dapat lamang din sumubaybay dahil ito ay usapin sa pagbibigay ng tamang hustisya,” aniya.
Nakatakdang simulan ng ICC Trial Chamber III sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte sa The Hague, Netherlands.
Inaasahang hihilingin muna ng mga hukom sa dating Pangulo na ihayag ang kanyang plea o tugon sa mga kasong isinampa laban sa kanya bago dinggin ang pambungad na pahayag ng prosekusyon at ng mga legal na kinatawan ng mga biktima.
Ayon kay ICC spokesperson Oriane Maillet sa isang briefing noong Nobyembre 24, inaasahang maghahain ang mga tagausig ng humigit-kumulang 100 saksi sa panahon ng paglilitis. Inaasahan namang makapagtatapos ang unang limang saksi sa pagbibigay ng kanilang testimonya bago ang nakatakdang pahinga ng hukuman para sa panahon ng taglamig.
Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity o krimen laban sa sangkatauhan, partikular ang pagpatay at tangkang pagpatay na umano’y naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019 bilang bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.
Kabilang sa mga kasong ito ang umano’y pagpatay sa Davao City noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde, gayundin ang mga pagpatay at tangkang pagpatay na iniugnay sa mga operasyong kontra-droga noong siya ay Pangulo.
Mahigit 500 biktima ang pinahintulutang lumahok sa paglilitis sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawang abogado. Ilalahad ng mga ito sa hukuman ang kanilang mga pananaw, saloobin at hinaing kaugnay ng kaso.
Tutukuyin ng mga hukom kung napatunayan ng prosekusyon, batay sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis, ang umano’y pananagutang kriminal ni Duterte nang lampas sa makatwirang pagdududa.
Gayunman, itinuturing na walang sala ang dating Pangulo hangga’t hindi napapatunayang nagkasala alinsunod sa batas. Bibigyan din ng pagkakataon ang kanyang pangkat ng depensa na kwestiyunin ang mga ebidensya ng prosekusyon at magharap ng sarili nilang mga saksi at ebidensya.
(CHRISTIAN DALE)
188 