NANUHOL NG PULIS, KALABOSO

SA piitan bumagsak ang isang truck driver nang tangkain suhulan ang mga pulis na sumita sa kanya at sa kanyang helper sa checkpoint sa Valenzuela City

Ayon sa ulat, alas-2:00 ng madaling araw, minamaneho ni Roldan Otadoy, 36, ng Unit 33, Temporary Housing Building 12, Vitas, Tondo, Manila, ang Isuzu Elf truck (UKS-430) kasama ang helper na si Roderick Bunso, nang parahin sila sa isang police checkpoint sa kanto ng Gov. I. Santiago at Daffodil Streets sa Brgy. Malinta.

Ipinaliwanag nina P/MSgt. Gilbert Soriano at P/Cpl. Boui Gamueda, kapwa nakatalaga sa Valenzuela Police Station Intelligence Branch (SIB), kay Otadoy at sa kanyang helper, na lumabag sila sa City Ordinance 670 dahil ang karga ng kanilang truck ay 80 sako ng uling at hindi mahalagang kalakal.

Nang isyuhan ang mga ito ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay naglabas si Otadoy ng P500 bill mula sa kanyang license jacket at tinangkang suhulan ang pulis sabay pahayag ng “Ayusin na lang natin ito, eto, P500, pang meryenda niyo,” naging dahilan upang arestuhin ito ng mga pulis at kinumpiska sa kanya ang bribe money.

Ayon kay Valenzuela police chief, P/Col. Ferdinand Ortega, si Otadoy ay na-inquest na sa kasong bribery habang ang kanyang helper ay inisyuhan ng OVR. FRANCIS SORIANO

846

Related posts

Leave a Comment