‘INHUMANE’ COMMENTS SA 4 NASAWING PAF PILOTS PINALAGAN

KINONDENA ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang umano’y sarkastiko, hindi makatao at insensitive na mga komento sa social media hinggil sa pagkamatay ng apat na piloto ng Philippine Air Force (PAF) matapos magbanggaan sa himpapawid ang dalawang SF-260 trainer aircraft sa Batangas.

Ayon kay Teodoro, ang ganitong mga komento ay pag-insulto sa sakripisyo ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na naglilingkod sa bansa sa kabila ng mga panganib na kaakibat ng kanilang tungkulin.

Sa panayam sa media matapos ang pagbubukas ng 13th Association of Asia-Pacific Peace Operations Training Centers Annual General Meeting sa Makati City nitong Lunes, sinabi ng kalihim na hindi katanggap-tanggap ang mga mapanuyang pahayag habang nagluluksa ang mga pamilya ng mga nasawing piloto.

“Nakalulungkot na mayroon pang mga sarcastic and inhumane comments na nailalabas doon. Ito ay unacceptable talaga at ito ay sampal sa sakripisyo na ginagawa ng ating Sandatahang Lakas,” ani Teodoro.

Tinukoy ng kalihim ang mga komentong nagtatanong kung bakit nagbanggaan ang dalawang eroplano gayong malawak ang himpapawid.

Ayon kay Teodoro, ipinakikita lamang ng ganitong mga pahayag ang kawalan ng pang-unawa sa katangian ng pagsasanay militar.

Nilinaw niya na nagsasagawa ng military training ang dalawang SF-260 aircraft, na kinabibilangan ng formation flying o paglipad nang magkakalapit upang malinang ang mga taktikal na kasanayan ng mga piloto.

Ipinaliwanag ni Teodoro na mahalaga ang formation flying sa pagsasanay ng mga military aviator dahil nakatutulong ang masikip na pormasyon upang lumiit ang radar signature ng mga sasakyang panghimpapawid.

Gayunman, iginiit ng kalihim na hindi nangangahulugang walang pagkakamaling naganap sa insidente, kaya nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga sanhi nito.

“That is the difference between military training and civilian pilot training,” dagdag niya.

Ikinagalit din ni Teodoro ang mga komentong nag-uugnay sa aksidente sa kakayahan ng bansa na harapin ang China, at iginiit na hindi nangangahulugang nakikipagdigma ang Pilipinas sa China dahil ipinagtatanggol nito ang soberanya at teritoryo ng bansa.

“Unang-una, hindi natin ginigiyera ang China, mali na ‘yun. Kamangmangan na ‘yun. ‘Yun nga lang, tumatayo tayo para sa soberanya at teritoryo natin,” aniya.

Binigyang-diin din ni Teodoro ang epekto ng mga ganitong komento sa mga naulilang pamilya ng mga piloto.

“Pangalawa, sa kabila ng sakripisyo nitong mga batang ito—’yung iba nawalan pa ng anak nila o magulang nila—ganyan pa ang maririnig,” ani Teodoro.

Tinawag din niyang pagtataksil sa Republika ng Pilipinas ang mga pahayag na aniya’y nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa mga nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

(JESSE RUIZ)

62

Related posts

Leave a Comment