(NI NICK ECHEVARRIA)
UMAABOT na sa 454 na mga police personnel na napatunayang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga ang sinibak sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP) na kabilang sa sa mahigit 9,000 tiwaling mga pulis na kinasuhan ng adminsitrabo simula July 2016, alinsunod sa kanilang pinaigting na internal cleansing.
Sa datos na ibinigay ni PNP Officer In Charge P/Lt.Gen. Archie Gamboa, sa isang press briefing sa Camp Crame nitong Lunes, lumalabas na 352 sa kabuuang 454 ang nagpositibo na gumagamit ng droga habang 102 naman sa kanila ang may kaugnayan sa iba’t ibang transaksyon ng ipinagbabawal na gamot.
Sa kabuuan mula July 2016-September 20, nasa 9,172 mga pasaway na pulis na ang pinatawan ng kaukulang parusa sa mga kasong administratibo bunga ng pagkakasangkot sa mga gawaing kriminal at paglabag sa kanilang panuntunan.
Sa nasabing bilang 2,806 sa kanila ang natanggal sa serbisyo, kabilang ang 454 na sangkot sa droga, 535 ang mga na- demote ng ranggo, 4,721 naman ang nasuspinde sa tungkulin, 762 ang reprimanded, 60 ang pinagbawalang lumabas ng kanilang mga quarters, 208 ang binawian ng sweldo habang naman 80 ang pansamantaang tinanggalan ng mga pribilehiyo.
Nito lamang nakalipas na siyam na buwan, 2,286 na PNP personnel ang naharap sa mga kahalintulad na kasong administratibo patunay na seryoso ang pambansang pulisya sa kanilang kampanya laban sa mga tiwali nilang miyembro.
“The involvement of a few of our personnel in illegal drugs and other forms of corruption is likewise a scourge. Therefore, I demand that not only the Integrity Monitoring Enforcement Group but equally so all the Regional and Provincial Directors as well as the Chiefs of Police to lead in rooting out and destroying this menace. I expect no less,” pahayag ni Gamboa sa media.
Hiniling din ni Gamboa sa publiko na tulungan ang PNP sa pagbibigay ng mga impormasyon laban sa mga pasayaw na pulis at sa mga high value targets bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
180