BIR KAPOS NG P82-B SA TAX COLLECTION

bir1

(NI BERNARD TAGUINOD)

PINAGALITAN ng chairman ng House committee on ways and means ang kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagdinig Martes ng hapon nang malaman na kinapos ang mga ito sa koleksyon sa buwis noong nakaraang taon kung saan nabigo ang mga ito na makolekta ang target sa excise tax sa langis sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion Law.

Sa report ni BIR Assistant Commissioner for Collection Services Alfredo Misajon sa pagdinig na pinamumunuan ni Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing, sinabi nito na P1.961 trilyon lang ang nakolektang buwis ng mga ito noong 2018.

Mas mababa ito ng 4.01% o  P82 bilyon kumpara sa P2.043 trilyon na target nilang makolekta sa kabila ng pagpapatupad ng TRAIN Law kung saan dinagdagan ang excise tax ng mga produktong petrolyo.

Nabatid na P290.64 bilyon lamang ang nakolekta ng BIR na excise tax noong 2018 na malayong malayo sa P332.80 bilyon na kanilang target subalit ikinatuwiran ni Misajon na nasa “ tolerable at acceptable level” ang 4.01% na shorfall sa target na koleksyon dahil inilibre sa income tax ang mga manggagawa sa kanilang unang P250,000 na sahod.

“Hindi acceptable that the deficit of 4. 01 percent is tolerable. Once the target is set, you are bound to meet your targets,” ang pagalit na pananabon ni Suansing kay Misajon lalo na’t hindi nakolekta ng mga ito ang excise tax sa langis.

Ang TRAIN Law ay unang ipinatupad noong Enero 1, 2018 kung saan pinatawan ng excise tax ang bawat litro ng mga produktong petrolyo na naging dahilan kung bakit tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain.

Naging dahilan ito para umani ng kritisismo ang Duterte administration lalo na noong umakyat sa 6.7% ang infalation rate noong Setyembre at Oktubre at natapos sa 6% noong Disyembre 2018  na malayo sa 3.5% na naitala noong Disyembre 2017.

“Andami naming kalaban dito sa TRAIN law pero kayo sa BIR hindi nyo ginagawa ang dapat nyong gawin,” pananabon pa ni Suasing sa nasabing opisyal.

Kumpiyansa naman si Misajon na makokolekta ng mga ito ang kanilang target na PP2.339-trilyon collection target ngayon  2019.

 

 

371

Related posts

Leave a Comment