Gov’t agencies pagpapaliwanagin PONDO NG PHILHEALTH PARA SA PILIPINO HINDI SA PANGULO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

PINAG-AARALAN ng Philippine Medical Association na iakyat sa Supreme Court (SC) para kuwestiyunin ang legalidad ng paglilipat ng halos P90-B na sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury.

Sa press briefing noong Biyernes, binigyang-diin ng grupo ng mga manggagamot na hindi makatwiran ang paglilipat ng nasabing pondo dahil ito’y para sa mga Pilipino.

“This is for all the Filipinos who are automatically covered by the Universal Health Care Law,” ayon kay Dr. Bu Castro, past president ng Philippine Medical Association (PMA).

Anila, hindi natugunan ng PhilHealth ang pangangailangan sa health care sa bansa dahil sa nilimitahan nitong paggastos.

Kasabay nito, nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dr. Antonio Dans, pangulo ng Asia Pacific Center for Evidence-Based Healthcare, na lumikha ng independent agency sa pamamagitan ng Presidential Decree para sa benefit development.

Samantala, nais pagpaliwanagin ni Senate committee on health chairman Christopher Bong Go ang mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa paglilipat ng P90 bilyong hindi nagamit na government subsidy ng PhilHealth sa national treasury.

Ayon kay Go, mahalagang malaman mula sa PhilHealth, Department of Budget and Management, Department of Finance at Department of Health kung tama at legal ba ang aksyon na ito.

Nais malaman ng senador kung bakit mayroong P90 billion ang PhilHealth na hindi nagamit para mas palawakin at palakasin pa ang benefit packages na makatutulong sa ating mga kababayan.
Hindi anya katanggap-tanggap na may pondong hindi nagamit para matulungan ang bawat Pilipinong miyembro naman ng PhilHealth.

Iginiit ni Go na hindi dapat magkaroon ng kahit pisong nasasayang at dapat magbenepisyo dito ang taumbayan lalo na ang mahihirap at may sakit.

Ang pondong nakalaan anya para sa kalusugan ay dapat magamit para sa kalusugan tulad ng pangtulong sa mga pasyente, pagsasaayos ng health facilities at pambayad ng mga utang sa health workers at gamitin din sana ito para sa tamang implementasyon ng Universal Health Care Law.( May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

52

Related posts

Leave a Comment