(NI BERNARD TAGUINOD)
HINILING ng chair ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries sa mga bangko na ‘palagpasin’ muna ang utang ng mga magsasaka lalo na sa mga lalawigan na apektado ng El Nino phenomenon.
Ayon kay Leyte Rep. Henry Ong, hindi dapat mabaon lalo sa kahirapan ang mga magsasaka kasama na ang mga mangingisda sa gitna ng tumitinding problema sa El Nino.
Sinabi ni Ong na hindi pa nakababangon ang mga magsasaka sa naranasang krisis noong nakaraang taon dahil sa paglobo ng inflation rate at ngayon ay muling apektado ang mga ito sa pagkatuyo ng kanilang bukid dahil sa kawalan ng ulan.
Dahil dito, kailangan muna aniyang tulungan ng mga bangko ang mga magsasaka bago singilin ang mga ito sa kanilang mga utang dahil kung hindi ay lalong hindi makababangon ang mga ito sa krisis na pinagdadaanan ngayon.
Sa panig naman ni Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez, kailangang tulungan na ng gobyerno ang mga magsasaka lalo na sa bagong puhunan na kailangan ng mga ito sa sandaling magkaroon na ng ulan.
Maliban dito, nais ng lady solon na bigyan muna ng ayuda ang mga magsasaka para mairaos ng mga ito ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang nararanasan ang El Nino phenomenon.
193