MAY NAPILI NA NGUNIT.. AGAWAN SA SPEAKERSHIP ‘DI PA TAPOS

zarate22

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI pa umano tapos ang agawan sa House speakership,  ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Sinabi ni Zarate na ang minority leadership na target ni Capiz Rep. Fred Castro ng National Unity Party (NUP), ay posibleng indikasyon na hindi pa tapos ang agawan ng mga kaalyado ni Duterte sa Speakership kahit nagpasya na ito na sina Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, ang maghahati ng termino sa 18th Congress.

“Ang pag-float ng minority leader issue ngayon ay mukhang smokescreen lang para pagtakpan ang namumuong banggaan pa ng Kongreso,” ani Zarate.

Bukod kina Cayetano at Velasco, kasama rin sa interesadong maging House Speaker ay sina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Rep. Isidro  Ungab ng Davao at Pampanga Rep. Dong Umali.

Kasabay nito, muling namumuro ang umano’y ‘company union” sa pagpapatakbo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong 18th Congress.

Ito ay matapos ilutang ni Castro ang kanyang intensyong maging House minority leader.

“There are members of the House who have suggested that I seek the minority leadership to maintain a credible balance of opinion on all issues that the House of Representatives maybe called upon to resolve,” ani Castro.

Seryoso umanong ikinokonsidera ni Castro ang nasabing posisyon kaya mapipilitan itong tumakbo bilang Speaker hindi para maging top leader ng Kapulungan kundi para maging Minority Leader.

Base sa patakaran, ang matatalong Speaker sa botohan ay magiging House minority leader .

Subalit, ayon kay Zarate, kung magtatagumpay si Castro na maging Minority leader ay muling mabubuo umano ang “company union” kung saan pawang kaalyado ng administrasyon ang mamumuno sa minorya at mayora sa Kamara.

“Mahirap namang hawak na nga nila ang leadership ng Congress ay pati minority leadership ay kukunin pa nila. Hindi uubra ang isang ‘company union’ sa Kongreso ngayon lalo pa at Cha-cha ang pangunahing isasalang sa pagbubukas ng 18th Congress,” ani Zarate.

Noong 17th Congress, umupo bilang minority leader si dating Quezon Rep. Danilo Suarez na kaalyado umano ng administrasyon.

153

Related posts

Leave a Comment