(NI BERNARD TAGUINOD)
IPINAMAMADALI ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapatibay sa panukalang batas na nagpaparusa sa mga eskuwelahan na hindi pinapakuha ng eksaminasyon ang mga estudyante na kulang pa sa tuition.
Ayon kay DIWA partylist Rep. Pepito Pico, kailangan na kailangan nang maipasa ang ‘no permit, no exam policy’ na patuloy na ipinatutupad, hindi lamang sa mga technical-vocation institution kundi sa mga higher education institution (HEIs).
Dahil dito, ihinain ng mambabatas ang House Bill 8753 para ipagbawal ang polisiyang ito kung saan umiiral pa rin umano sa mga private at public post-secondary tech-voc instituton at HEIs kasama na ang mga local colleges and universities.
Sa ilalim ng nasabing panukala, hindi na oobligahin ang estudyante na kumuha ng permit bago sila makapag-midterm o final exam para matiyak na wala silang utang o kulang sa kanilang tuition.
May kulang man o wala ang mga estudyante sa kanilang tuition ay dapat silang pakuhanin ng eksamisasyon at hindi na rin pilitin ang mga ito na magdown ng katumbas ng 30% sa kanilang tuition.
Gayunpaman, kailangang magbayad pa rin ang mga estudyante ng tuition na hindi nila nabayaran na may tubong 5% per annum mula nang kumuha ang mga ito ng exam na hindi nakapagbayad, lalo na kung nakatapos na ang mga ito sa kanilang pag-aaral.
Sinuman ang lalabag kapag naging batas ang panukalang ito ay pagmumultahin ng mula P100,000 hanggang P200,000.
102