SINABI ng Malacanang na hindi na umano economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersiyal na Chinese businessman na si Michael Yang.
Natapos umano ang kanyang ‘one peso per annum contract’ noong Disyembre 31, 2018, ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ang kumpirmasyon ng gobyerno ay bunsod ng sinabi ni dating police officer Eduardo Acierto na patuloy pa ring nakakikilos sa illegal drug trade si Yang dahil sa pagiging economic adviser sa Pangulo.
Sinabi ni Acierto na nagbigay umano siya ng intelligence report noon pang 2017 sa umano’y pagkakasangkot ni Yang sa droga ngunit nabalewala umano ang report dahilan para isipin ni Acierto na kinakampihan ni Duterte ang illegal na aktibidad ni Yan.
Sinabi ni Medialdea na wala umanong ibinibigay na report si Acierto at hanggang ngayon ay hindi nila makita ang sinasabi nitong report.
Nilinis ni Duterte sa anumang illegal na aktibidad si Yang ngunit kung mapatutunayan umanong sangkot ito sa illegal na droga ay hindi umano mangingimi ang Pangulo na tapusin ang relasyon nito sa bansa at kasuhan kung kinakailangan.
215