Panawagan ng BAYAN supalpal CHINA PALAYASIN SA WPS HINDI PINOY

(CHRISTIAN DALE)

WALA sa opsyon ng pamahalaan ang demilitarisasyon sa West Philippine Sea (WPS) sa pagtugon sa mga usapin ukol sa pinagtatalunang teritoryo.

Tuwirang sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na ang makikinabang lamang kasi dito ay ang Tsina.

Kaya nga, isang malaking palaisipan sa kanila ang naging panawagan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at kanilang allied leftist organizations na demilitarisasyon sa WPS.

“So ang ibig bang sabihin nito, mag-pullout na rin ang Armed Forces (of the Philippines) kasi diba when you call for demilitarization, ibig sabihin (pati) yung BRP Sierra Madre ipu-pullout na natin kasi commissioned vessel yan ng Philippine Navy (PN), eh di titigil na ang PN na magpatrolya sa WPS kasi gumagawa sila ng kanilang mandato,” aniya pa rin.

Pinaalalahanan ni Malaya ang mga nasabing grupo na ang Tsina ang siyang nagmi-militarize sa WPS.

“China ang nag-militarize, hindi naman ang Pilipinas, tayo naman ang ating mga tropa sa occupied features natin ang ginagawa nila garrison duties,” ani Malaya.

Aniya, ang pagpayag na i-demilitarize ang WPS ay nangangahulugan na pagsuko ng Pilipinas sa teritoryo nito sa Beijing.

Dagdag ni Malaya, ang panawagan ng BAYAN at kaalyado nitong grupo ay taliwas sa national interest.

Dahil dito, pinayuhan niya ang grupo na sa halip ay ipanawagan sa Tsina na umalis sa WPS, lalo pa’t nagtayo na ito ng artificial islands at military bases sa WPS.

Mali rin aniya ang panawagan ng BAYAN sa Estados Unidos na lisanin ang WPS dahil wala namang sundalong Amerikano ang dineploy sa nasabing lugar.

Aniya pa, ang pagdaan ng US vessels sa WPS ay bahagi ng freedom of navigation operations na pinahintulutan ng international law.

28

Related posts

Leave a Comment