BOLUNTARYONG nagpasuspinde si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte matapos magbaba ng suspensyon order ang Sandiganbayan laban sa kasong kriminal na kinakaharap nito.
Sa kanyang sulat kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, ipinaalam nito ang kanyang boluntaryong pagsasailalim sa 90 days preventive suspension mula noong Pebrero 11.
“While I firmly believe that only the House of Representatives has the authority to discipline its members, I would like to inform your good office that I am nonetheless voluntarily submitting to the said preventive suspension for a period of 90-days effective 11 February 2019 or until 12 May 2019,” ani Villafuerte sa kanyang sulat kay Arroyo.
Nauna rito, sinuspinde ng Sandiganbayan Fourth Division si Villafuerte dahil sa kasong kriminal kaugnay ng pinasok na kontrata sa isang security agency na hindi umano dumaan sa tamang proseso noong gubernador pa ito ng Camarines Sur.
Base sa isinampang kaso ng Ombudsman, ginamit ni Villafuerte ang kanyang posisyon bilang gubernador ng probinsya upang mabigyan ng pabor ang Tigon Security Investigation and General Services Inc.na naging dahilan para suspendehin ito ng 90 araw sa kanyang posisyon ngayon.
Karaniwang hindi ipinapatupad ng liderato ng Kongreso ang suspension order maliban lamang kung boluntaryong magpapasuspinde ang mga aktibong miyembro ng Kapulungan na may kinakaharap na kaso sa Sandiganbayan.
135