NATENGGA NG MANUNUBANG INT’L COURIER

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO

KARANIWAN na ang pagbili ng pasalubong sa tuwing uuwi mula sa mahabang bakasyon. Gayundin sa mga manggagawang Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat para maitaguyod ang kanilang pamilya.

Sa mahabang panahon ng kanilang pananatili sa ibang bansa, pinipili ng mga Pinoy overseas worker na bultuhan ang padala. Mga lambing ni darling, request ng mga tsikiting, padulas sa biyenan, mga pasabay ng kapwa OFW – ilan lang ‘yan sa mga laman ng balikbayan boxes na ibinibyahe galing pa sa bansa kung saan sila naghahanapbuhay.

Gaano nga ba katagal bago makarating sa Pilipinas ang isang balikbayan box kung ipapadala ngayong araw? May mga international freight forwarder na nangangako ng isang buwan, ang iba naman, aabutin daw ng dalawang buwan.

Pero sa reyalidad, walang katiyakan.

Tulad na lang ng kinahinatnan ng mga balikbayan box na padala ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa noon pang nakaraang taon. Hanggang ngayon, nakabarega pa sa mga itinalagang pasilidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang masaklap, matagal na pinag-ipunan ng ating mga kababayang OFWs ang mga pinambili nila ng mga pasalubong na laman ng ibinyaheng balikbayan box. Pagod, puyat, pawis ang kapalit para makapagpadala sa kani-kanilang pamilya. Ang ending – nganga!

Hindi mai-release o mai-deliver man lang sa mga pamilya ng mga OFW dahil walang tracking list na pagbabatayan. Dangan naman kasi, ang international freight forwarder na pinagkatiwalaan, puro pala bulaan. Sa madaling salita, inabandona na, tangay pa ang binayad na kwartang pambayad sana documentation, clearance at door-to-door delivery.

Ang magandang balita, hindi na aabutin ng isa pang Pasko ang mga nakatenggang balikbayan boxes sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng BOC at Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines. Binalikat ng BOC at DDCAP ang gastusing dapat sana sagot ng manunubang international courier.

Sa 26 na container van na may laman na tig-300 na inabandonang balikbayan boxes, pitong container vans na ang nai-deliver. May tatlong container vans naman ang pinoproseso na, habang sa September 30 naman ipoproseso ang iba pang kahon.

Nakikipag-ugnayan din ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMW) para makasuhan ang mga nagpapabaya sa delivery ng mga padala ng OFWs. Buti na lang nand’yan si Yogi!

114

Related posts

Leave a Comment