LIPA CITY, Batangas — Patay na nang matagpuan ang isang 17-anyos na dalaga sa isang damuhan malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Sico, Lipa City nitong Huwebes, Enero 22.
Ayon sa Lipa City Police, nadiskubre ang bangkay bandang alas-12 ng tanghali ng kapatid nitong si Manny at kaibigan habang pauwi mula sa paaralan.
Nakilala agad ang biktimang si “Kris,” na iniulat na nawawala matapos magpaalam noong Enero 21 upang dumalo umano sa isang birthday party ngunit hindi na nakauwi.
Wala umanong nakitang sugat o saksak sa katawan ng biktima. Patuloy ang imbestigasyon kung natural causes ang sanhi ng kamatayan o may foul play.
Ayon kay PLtCol Aleli Cuyan Buaquen, hepe ng Lipa City Police, hinihintay pa ang resulta ng autopsy. Tinutukoy na rin ang mga huling nakasama ng biktima bilang persons of interest.
(NILOU DEL CARMEN)
41
