NCAP HINAHARANG SA KAMARA

INIHAIN kahapon ang isang resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para imbestigahan ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kasabay ng panawagan na suspendihin ito hangga’t hindi nareresolba ang iba’t ibang isyu ukol dito.

Noong Lunes ay muling ipinatupad ng MMDA ang NCAP matapos tanggalin ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) na inisyu nito noong 2022 dahil sa dami ng reklamo.

“The NCAP, designed to enforce traffic regulations through automated camera systems, has been plagued by issues, including unclear guidelines on vehicle ownership transfers, inconsistent enforcement, and persistent complaints about unclear road signages,” ani 1-Rider party-list Rep. Rodrigo Gutierrez.

Sa loob ng dalawang taon habang naka-TRO ang NCAP, hindi aniya niresolba ng MMDA ang mga isyung ito subalit muli itong ipinatupad kaya magpapatawag ito ng imbestigasyon.

Mismong ang Land Transportation Office (LTO) aniya ang nagkumpirma sa kanya na hindi pa sapat ang signages sa Metro Manila kaya nagkakalitutahan umano sa mga lansangan.

Bukod sa kakulangan ng signages ay hindi rin umano makatarungan ang multa sa mga traffic violator na mahuhuli sa pamamagitan ng mga CCTV na nakakalat sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Base sa itinakda ng MMDA na multa, P1,000 ang babayaran ng motoristang pagewang-gewang sa pagmamaneho, P1,000 sa hindi pagsunod sa traffic light, P1,000 sa pagliko sa hindi tamang likuan at P1,000 kapag hindi nagbigayan.

(BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment