NEGOSYANTENG SUMAKOP SA LUPANG GOBYERNO SINAMPOLAN

ANG lupang gobyerno ay para sa pasilidad sa kapakinabangan ng publiko, hindi pang negosyo.

Ito ang mensaheng nais ipaabot ng isang kapitan ng barangay sa Lungsod ng Antipolo makaraang ipag-utos ang agarang pagpapagiba ng isang business stall sa Purok Imelda, Barangay dela Paz.

Bukod sa pagpapagiba ng business stall ng mag-asawang Aurelio at Jocelyn Embase na umokupa nang walang pahintulot sa anumang sangay ng pamahalaan, pinapahanap na rin ni Kapitan Jeff Naval Fernan ng Barangay dela Paz, ang iba pang lupang gobyernong sakop ng kanyang barangay.

Dagdag pa ni Fernan, pinag-aaralan na rin ng kanyang tanggapan kung anong angkop na pasilidad ang maaari nilang itayo sa mga lupang kanilang nakatakdang bawiin.

Pansamantala agad niyang pinabakuran ang unang loteng kanilang narekober mula sa mag-asawang Embase na maraming taon na aniyang pinakinabangan gamit ang isang business permit na may ibang address.

Samantala, hiling naman ng isang residente sa nasabing purok na sampahan ng reklamo ang sitio coordinator ng Purok Imelda dahil sa pangungunsinti umano sa mga negosyanteng nagsipagtayo ng iligal na business stalls sa lupa ng pamahalaan.

Ayon kay Pamela Bautista-Arriola, protektor ng mga illegal business stalls ang kanilang sitio coordinator. Si Gng. Arriola ang residenteng naging daan na marekober ang nasabing lupang gobyerno. (FERNAN ANGELES)

118

Related posts

Leave a Comment