2 MOTORSIKLO NAGBANGGAAN, 1 RIDER PATAY

CAVITE – Patay ang isang 43-anyos na rider nang makabanggaan nito ang isa pang motorsiklo at sumalpok sa konkretong poste sa Imus City sa lalawigang ito, nitong Martes ng madaling araw.

Isinugod sa Our Lady of Pilar Hospital ang biktimang si Erasto Tejada Elcano, subalit idineklarang dead on arrival dahil sa mga sugat sa katawan.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng driver ng nakabanggaan nitong motorsiklo na pinasibad palayo ang kanyang sasakyan makaraan ang insidente.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. John Carlo C. Punzalan ng Imus City Police Station, binabagtas ng ‘di kilalang rider ang kanyang motorsiklo ang kahabaan ng Aguinaldo Highway sakop ng Tanzang Luma V, Imus City dakong alas-2:30 kahapon ng madaling araw nang bumangga ang kaliwang bahagi ng motorsiklo nito sa kanang bahagi ng motorsiklo na minamaneho ni Tejada na binabagtas ang nasabi ring direksyon.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa pagmamaneho si Tejada kaya bumangga sa isang konkretong poste dahilan upang isugod ito sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.

Hindi naman nakilala ang driver ng nakabanggang motorsiklo na pinaharurot palayo ang kanyang sasakyan. (SIGFRED ADSUARA)

364

Related posts

Leave a Comment