8 PULIS SINIBAK SA ILLEGAL RAID SA LUCENA CITY

WALONG intelligence personnel ng Lucena City Police ang inaresto at sinibak sa puwesto matapos ang umano’y ilegal na pagpasok, pagtutok ng baril, at pangha-harass sa isang residente ng isang barangay noong madaling araw ng Biyernes.

Nagsampa ng kasong paglabag sa domicile, grave threats, at unjust vexation ang 52-anyos na babaeng residente ng Purok Masagana, Barangay Ransohan, Lucena City laban sa walong police intelligence operatives na kinilalang sina PCapt. Aaron Agbaya Herrera, PSMS Richie Ledesma Yuayan, PSSg. Henry Mascariña Mago, PCpl. Rainier Reyes Zaballa, PCpl. Allan Daluz Abdon, PCpl. Wilson Peñaverde Bantilan, PCpl. Rene John Martinez Bartolata, at PSSg. Junar Cabuyao Cabalsa.

Sa kanyang reklamo, sinabi ng biktima na pasado alas-3:00 ng madaling araw noong Biyernes nang puwersahang wasakin ang kanilang pinto at pasukin ng tatlo sa nasabing mga pulis, ang kanilang bahay, habang naiwan sa labas ang lima.

Tinutukan umano siya ng baril at pinadapa at saka nagpakilalang mga pulis at hinahanap ang kanyang live-in partner na noon ay nasa kanyang trabaho sa Laguna.

Matapos sabihing wala ang kanyang live-in partner, saka pa lamang umalis ang mga pulis.

Agad ding nagtungo sa himpilan ng Lucena Police ang biktima at nagsampa ng reklamo.

Ayon sa inarestong mga pulis, nagsagawa sila ng anti-drug operation ng araw na ‘yun sa bahay ng biktima kung saan target umano ang mister nito.

Subalit ayon sa ginang, posibleng may kinalaman ang pangyayari sa kanyang pagtestigo sa congressional hearing noong nakaraang linggo na isinagawa ng House Committee on Public Safety and Order na pinamumunuan ni Rep. Dan Fernandez, batay sa resolusyong isinampa ni Quezon 2nd District Rep. David Suarez, tungkol sa hindi naire-report sa pulisya na karahasan ng mga armadong lalaki na hinihinalang mga tauhan din ng PNP noong nakaraang barangay at SK elections. (NILOU DEL CARMEN)

132

Related posts

Leave a Comment