KANO NA WANTED SA TELCO FRAUD ARESTADO

ARESTADO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang American national na wanted sa Interpol at South Korea dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang suspek na si Shin Seung Chul, 69, nasabat sa NAIA Terminal 1 bago pa man ito sumakay ng Philippine Airlines flight patungong Narita.

Inaresto ang suspek makaraang humarap para sa inspeksiyon kay BI officer Andrew Joseph Gatchalian sa BI departure counter kung saan nag-hit sa kanilang BI Interpol system na isa itong pugante mula sa Korea.

Nabatid sa datos, si Shin ay may Interpol red notice na inisyu noon pang 2016 dahil sa pagiging wanted sa fraud sa Seoul, na kinasasangkutan ng halagang 572 million won, o mahigit US$418,000.

Si Shin, kasama ang dalawang iba pa ay nagkutsabahan umano sa pambibiktima sa pamamagitan ng voice phishing.

Modus operandi ng suspek na magpapanggap na mga opisyal sila ng isang banking institution na nag-iimbestiga sa money laundering na sa bandang huli ay kukumbinsihin ang biktima na mag-deposit sa kanilang account.

Sa datos ng rekord sa mga biyahe ni Shin, pitong taon na itong nagtatago sa bansa kung saan ang huling record ay noong pang Abril 12, 2016. Dumating siya sa bansa bago ang warrant of arrest at Interpol notice na inisyu laban sa kanya.

“He will be sent to Korea as soon as our board of commissioners issues the order for his summary deportation. He will then be placed in our blacklist and banned from re-entering the Philippines,” ayon kay Tansingco. (JOCELYN DOMENDEN)

71

Related posts

Leave a Comment