NINJA COPS MASAHOL PA SA DRUG DEALERS – SOLON

“MAS masahol pa kayo sa mga drug dealers na hinuhuli niyo.”

Ito ang mensahe ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers sa mga Ninja copsat anti-drug operatives na nangungupit  sa mga nahuhuling droga.
Unang inamin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Virgilio Lazo, na may assets na humihingi ng 30 percent sa mga huling droga bilang kabayaran sa kanilang trabaho.

Dahil dito, nagpatawag si Barbers ng motu propio investigation dahil kung magpapatuloy aniya ang ganitong gawain sa anti-drug operations ay hindi mareresolba ang problema sa droga sa bansa.

“These people have no place in our society. Sa ginagawa niyo nagmumukhang legal at government sponsored ang mga drug deals. Kaya pala hindi matapos-tapos ang problema,” ani Barbers.

Lumabas din sa nasabing pagdinig na tinangkang kupitan ng isang PNP Drug Enforcement Group ang drogang nakumpiska kay MSgt. Rodolfo Mayo Jr. noong Oktubre 12, 2022 sa Tondo, Manila.
Sa pagtatanong ni Barbers, kinumpirma ni PNP-DEG director Brig. Gen. Narciso Domingo na nakita sa CCTV na may isang sarhento sa PDEG ang naglabas ng dalawang bag ng droga nang salakayin ang lugar ni Mayo.

Dahil dito, pinagpaliwanag aniya ni Domingo ang raiding team at kalaunan ay ibinalik ang 42 kilos ng shabu subalit iniwan lamang ito sa labas ng Camp Crame.

Dahil dito, lumalabas na 1,032 kilos ng shabu ang kabuuang droga na nakumpiska kay Mayo at hindi 990 kilos na naunang napaulat.

“Recycled kaya yun (drogang nakumpiska kay Mayo)?,” tanong ni Antipolo Rep. Romeo Acop na sinagot naman ni Domingo ng “yes sir”.

Lumalabas na ang drogang nakumpiska kay Mayo ay nahuli ng mga ito sa isa sa kanilang operasyon sa Central Luzon subalit nakatakas umano ang may-ari nito kaya itinago nila ang droga imbes na isuko sa PDEG.
Samantala, para kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., oras na para bunutin ang ugat ng problema sa ilegal na droga.

Sa talumpati ni Abalos sa Buhay Ingatan, Droga Ayawan (Bida) “Bayanihan ng Mamamayan” fun run na idinaos sa Sta. Rosa, Laguna, noong Linggo, sinabi nito na lilinisin niya nang husto ang nasabing problema ng lipunan.

Sinabi pa ni Abalos na ang fun run ay bahagi ng “grassroots approach” ng gobyerno na manawagan sa mamamayan na maging aktibong katuwang ng anti-drug campaign.

Binigyang diin ng Kalihim na dapat lamang tulungan ng publiko ang pamahalaan lalo pa’t ang illegal drug problem ng bansa ay labis nang nakaaapekto sa sektor ng lipunan lalo na sa mga kabataan. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

352

Related posts

Leave a Comment