NO.1 SUSPECT SA GOV. ADIONG AMBUSH HULI SA AFP, PNP

NADAKIP sa isinagawang joint law enforcement operation ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang number one suspect sa pananambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr. sa South Cotabato

Ayon kay Colonel Andre Santos, 1st Mechanized Infantry Brigade commander, nadakip sa pinagsanib na AFP at PNP operation kamakalawa ng tanghali ang principal suspect sa pag-ambush sa convoy ni Governor Adiong.

Magugunitang tatlong police escorts at isang driver/security ng gobernador ang ang namatay sa nasabing pananambang noong Pebrero nitong taon.

Sinabi pa ni Col. Santos, hindi na nagawa pang tumakas at makapanlaban  ng nasabing suspek na kinilalang si  Lomala Baratumo, alyas “Commander Lomala”, 42-anyos, matapos maharang sa ikinasang checkpoint sa Sitio Morales, Barangay Centrala, Surallah, South Cotabato.

Napag-alaman na may standing warrant of arrest ang suspek sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa, mula sa 12th Judicial Region, Branch 8, Marawi City. Ang suspek ay no.5 most wanted person ng PRO BARMM at no.1 most wanted person ng Lanao del Sur.

“Simula nitong Pebrero pinagsama-sama na ang efforts ng Joint Task Force Central, 6th Infantry Division, 1st Infantry Division at Philippine National Police para i-trace ang suspek na si Kumander Lomala,” ayon kay Col. Santos.

Lubos ding nagpasalamat ang butihing Gobernador Mamintal Adiong Jr. kay Maj. Gen. Alex Rillera sa lahat ng tulong upang madakip si Kumander Lomala na halos naging mitsa ng kanyang buhay.

Si Maj. General Rillera na commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na siyang nakasasakop sa lugar kung saan nahuli si Kumander Lomala, ay pinapurihan ang Army at PNP dahil sa tagumpay ng operasyon at pagkahuli sa suspek.

“Ang pagkadakip ng suspek ay nagpapatunay lamang ng kahalagahan at pagiging epektibo ng nakalatag nating mga checkpoint. Ito ay isang pagsisikap kasama ng ating mga units on the ground at mga namamahala sa ating mga Patrol Base kung saan patuloy na nagtatrabaho sa loob ng ilang buwan upang masubaybayan at mahuli si Lomala,” pahayag ng 6ID at JTFC commander. (JESSE KABEL RUIZ)

25

Related posts

Leave a Comment