POLO KINALAMPAG SA PAGHAHANDA NG TULONG SA OFWs SA HK

NANANAWAGAN si senatorial candidate at Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Hongkong na maghanda upang matulungan ang mas maraming Filipino domestic helpers na maaaring mahawahan ng coronavirus dahil sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19 doon.

“Overwhelmed ang Hong Kong sa mga COVID-19 cases at alam naman natin na mas prayoridad ng gobyerno nito ang kanilang mga mamamayan. Kung ganito, dapat maging proactive ang POLO at ang ating Philippine Consulate sa pag-asikaso sa ating Filipino workers at bigyan ng matutuluyan at medical assistance ang mga maysakit, nilalayuan, at abandonado,” ani Escudero.

Sinabi niya na dapat siguruhin ng POLO na ang mga kanlungan doon na pinatatakbo ng gobyerno ay may mga kagamitan para sa isolation, ibig sabihin lamang, mayroon dapat dito na sapat na suplay ng gamot, oxygen, at health personnel na kayang tugunan ang emergency cases kung walang matakbuhang ospital.

“Dapat kaya nating alagaan ang mga kababayan natin kasabay ng ating paggiit para sa equal access sa hospital care para sa ating mga manggagawa sa ibang bansa. At hindi lang ‘yun, dapat din nating tiyakin na kinikilala at nirerespeto ng mga employers ang mga karapatan ng Filipino domestics sa Hong Kong para sa free medical treatment at paid sick leaves,” ani Escudero.

Base sa datos noong isang taon, nasa 205,000 ang bilang ng Filipino domestic workers sa Hong Kong. Nakamandato sa mga batas doon ang pagbibigay ng employers ng libreng medical treatment, tulad ng check-up at pagpapaospital, sa kanilang mga manggagawa kahit walang kaugnayan sa trabaho ang pagkakasakit ng mga ito at pati na ang daily sickness allowance na katumbas ng 80% ng suweldo sa isang araw.

“Nagpapadala tayo ng ating libo-libong kababayan sa buong mundo para magtrabaho at ang mga padala nila sa bansa ang isa sa pangunahing bumubuhay sa ating ekonomiya, lalo na ngayong panahon ng kagipitan. Dapat lamang na alagaan sila ng ating gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang maayos lugar kung saan makapagpapagaling sila nang hindi nila iniisip ang pagkawala ng kanilang mga trabaho,” ani Escudero.

“Dapat siguraduhin ng mga representante ng gobyerno sa Hong Kong o kung saan pa man na ang pagkakasakit ay hindi nangangahulugan ng pagkawala ng trabaho,” aniya. (ESTONG REYES)

71

Related posts

Leave a Comment