“STRIP SEARCH” SA MGA DALAW SA BICUTAN, TATALUPAN NG CHR

NAGKASA ng isang malalimang imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) matapos dumulog ang mga dalaw ng preso hinggil sa di umano’y pwersahang pagpapahubad sa kanila ng mga tauhan ng Metro Manila District Jail – 4 na nasa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Sa kalatas ng CHR, isang reklamo ang inihain ng kaanak ng isang Person Deprived of Liberty (PDL) na di umano’y pwersahang pinaghubad bilang bahagi di umano ng reglamento sa nasabing piitan.

Sa salaysay ni Bona Fides Lucania, Enero 8 nang tumungo siya sa MMDJ para dalawin ang kanyang amang nakabilanggo. Pagdating sa piitan, pinapasok di umano siya ng mga Bureau of Jail and Management and Penology (BJMP) personnel sa isang kwartong wala man lang anumang tabing at agad na pinatanggal lahat ng kanyang saplot sa katawan — para masigurong wala siyang ipupuslit na kontrabando.

Para sa CHR, hindi wasto ang nasabing proseso.

Tugon naman ni BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera, gagawa ng kaukulang mga hakbangin ang kawanihan laban sa mga taong napatunayang sangkot sa idinulog na reklamo.

“If any irregularities are found to have occurred during the search process at MMDJ-4, the BJMP will not hesitate to take appropriate action against those found to be responsible,” ayon kay Bustinera.

“We are currently conducting an investigation into the matter and will take appropriate measures based on the findings,” giit ng opisyal.

“We assure the public that we will always take immediate necessary steps to address issues in our jail facilities,” dagdag pa ng BJMP official. (LILY REYES)

15

Related posts

Leave a Comment