NITA: BAIL HEARING SA REVILLA CASE “WALANG MATIBAY NA EBIDENSIYA”

NAGBITAW ng matinding pahayag si Carlos Ayala ng National Institute for Transparency and Accountability (NITA), matapos ang serye ng bail hearings, malinaw aniyang mahina ang kaso laban kay Ramon ‘Bong’ Revilla Jr..

Ayon kay Ayala, umikot ang buong argumento ng prosekusyon sa iisang testigo, habang ang iba’y puro “hearsay” at “derivative testimonies,” at higit sa lahat, kapansin-pansin ang kawalan ng konkretong dokumento na direktang mag-uugnay sa dating senador sa pera o sabwatan.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan, inaasahang lalong titibay ang kaso. Ngunit kabaliktaran umano ang nangyari dahil sa testimonya ng halos 20 witnesses, tila mas lalong lumuwag ang posisyon ni Revilla kaysa madiin. Inamin mismo ng mga nanumpang testigo na wala silang personal na kaalaman, walang direktang ugnayan, walang matibay na ebidensiyang magpapatunay na siya ang tumanggap o sangkot sa sinasabing milyon-milyong pondo.

Umiikot ang kaso sa umano’y anomalya sa P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan. Ngunit sa loob mismo ng korte, nagbago ang direksyon ng naratibo dahil lumalabas na kulang sa laman ang paratang.

Iisa ang tumindig bilang direktang nag-akusa—si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, na tinaguriang “state witness.” Iginiit niyang umabot sa P500 milyon ang naideliver umano kay Revilla.

Ngunit sa buong pagdinig, wala ni isang testigo ang nagkumpirma sa kanyang salaysay. Mas lalo pang nabutas ang alegasyon nang mismong driver at aide ni Bernardo ang umaming hindi nila matiyak kung pera nga ba ang laman ng kanilang dinadala.

Dagdag pa rito, lumutang sa testimonya na si dating DPWH Usec. Cabral umano ang nag-utos na pangalanan si Revilla bilang “proponent” ng proyekto na kalaunan ay pinirmahan at inaprubahan ni dating DPWH Sec. Bonoan. Para sa ilang observers, malinaw na posibilidad na ginamit lamang ang pangalan ng dating senador, at hindi siya aktwal na sangkot sa operasyon.

Ngayon, hinihintay na lamang ang magiging pasya ng Sandiganbayan hinggil sa bail ng dating senador.

66

Related posts

Leave a Comment