NANAWAGAN si Senator Erwin Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado na pabilisin ang pagrerepaso sa Oil Deregulation Law o Republic Act No. 8479 sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Tulfo, dehado ang mga Pilipino sa umiiral na batas dahil limitado ang kapangyarihan ng pamahalaan na kontrolin ang presyo ng produktong petrolyo.
Aniya, “hindi pwedeng kontrolin o diktahan ng gobyerno ang presyo ng langis dahil protektado ito sa ilalim ng oil deregulation law”.
Sa kasalukuyang sistema aniya, maaari lamang umapela ang gobyerno sa oil companies na huwag magtaas ng presyo kahit tumataas ang halaga ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Ang masaklap pa dahil sa batas na yan, tanging pakiusap na lang ang magagawa ng pamahalaan sa mga kumpanya ng langis kapag tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado,” ani Sen. Tulfo.
Sinusuportahan din ng senador ang panukala ni Senator Sherwin Gatchalian, partikular ang Senate Bill No. 641 na naglalayong isulong ang transparency sa downstream oil industry at repasuhin ang umiiral na batas.
Layunin ng panukala na ipatupad ang “unbundled pricing” upang makita ng publiko ang detalyadong breakdown ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Gusto namin ni Sen. Win na makita kung magkano ang bili talaga ng mga oil company ng petrolyo sa abroad, magkano ang gastos nila at magkano ang tubo nila sa bawat litro,” ani Tulfo.
Aniya, mahalaga ang hakbang na ito upang matukoy kung may overpricing sa mga produktong ibinebenta sa mga gasolinahan.
Nasa 19th Congress pa lamang, inihain ni Sen. Tulfo ang pagrebisa ng oil deregulation law sa Kongreso.
Hindi rin lubos maisip ng mambabatas kung papaano at bakit lumusot ang batas na ito noong 1998 gayong talo ang taumbayan.
Binigyang-diin ng Senador na matagal nang panawagan ng transport sector ang pag-amyenda o tuluyang pagbasura sa naturang batas.
54 