NSC NAKAALERTO SA UMANO’Y CHINA MONEY FLOW KAY VP SARA

LUBHANG nakababahala umano para sa National Security Council (NSC) ang mga impormasyong inilalabas sa nagpapatuloy na impeachment proceedings kaugnay ng umano’y daloy ng milyon-milyong salapi mula China patungo sa isang kumpanyang nakabase sa Pilipinas na iniuugnay sa pamilya ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay National Security Adviser, Secretary Eduardo Oban, bagama’t nagpapatuloy pa ang impeachment proceedings, kailangan nang masusing suriin ang mga impormasyong inilalatag kaugnay ng naturang mga transaksyon.

“While the proceedings remain ongoing and the information presented should be properly examined within established legal processes, the reported transactions and any credible information involving significant foreign financial flows that may bear upon the country’s national security warrants careful, in-depth, and responsible assessment,” ani Secretary Oban.

Sinabi rin ng NSC na patuloy nitong susuriin ang mga impormasyong iniharap at aatasan ang mga intelligence at investigating agencies na makipag-ugnayan sa mga kaugnay na institusyon ng pamahalaan upang matukoy kung mayroon itong implikasyon sa pambansang seguridad.

“Tinitingnan ng NSC ang impormasyong iniharap at, bilang bahagi ng patakaran, patuloy na aatasan ang mga intelligence at investigating agencies at makikipag-ugnayan sa mga kaugnay na institusyon ng pamahalaan upang suriin ang mga implikasyon sa pambansang seguridad, kung mayroon man, na nagmumula sa mga inulat na transaksyon,” ayon sa NSC.

Kaugnay nito, nanawagan si dating Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na palawakin pa ang imbestigasyon dahil sa posibleng implikasyon sa pambansang seguridad ng umano’y pagpasok ng pera mula China kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang Facebook post nitong Martes, October 6, 2026, sinabi ni Trillanes na higit na ito sa usapin ng impeachment trial laban sa bise presidente.

“This goes beyond impeachment trial,” ani Trillanes.

Kabilang sa mga ahensyang hinimok niyang magsagawa ng imbestigasyon ang Department of National Defense (DND), National Security Council (NSC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at National Bureau of Investigation (NBI).

“Nananawagan ako sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng DND, NSC, NICA, NBI, etc., na imbestigahan ang issue na ‘to dahil mabigat ang national security implications na ang isang incumbent vice president ay tumatanggap ng pera mula sa isang hostile foreign country,” dagdag pa ni Trillanes.

(JESSE RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment