DUMULOG si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City kahapon para personal na hingin ang tulong nito para maimbestigahan ang kumakalat na balita na may online selling ng COVID-19 vaccines at vaccination priority slots sa lungsod ng Mandaluyong at San Juan.
Ayon kay Abalos, maganda na ang performance ng gobyerno sa vaccination, katunayan, pangalawa ang Pilipinas sa walong bansa sa Asia pero pwede itong masira ng vaccination scam na nabanggit.
Iginiit ni Abalos na ang COVID-19 vaccines ay libre.
Base sa kumakalat na ulat, may mga nagbebenta ng priority slot para sa 1st at 2nd dose ng COVID-19 vaccine.
Kasabay nito, nanawagan si Abalos sa publiko na ipagbigay-alam sa LGUs o sa MMDA kung may nalalaman hinggil sa bentahan ng bakuna o slot sa pagbabakuna. (DAVE MEDINA)
134 