3 KONSEHAL SA DAGUPAN CITY NA NANGGULO SA SESYON KINASUHAN

BISTADOR ni RUDY SIM

TATLONG konsehal ng Dagupan City na sina Redford Christian-Erfe, Alipio Serafin Fernandez, at Victoria Czarrina Lim-Acosta ang pormal nang kinasuhan ng City Prosecutor ng grave coercion, grave oral defamation at panggugulo sa session na nag-viral ang video sa social media.

Sa resolusyong inilabas noong February 16, 2024 ni Acting City Prosecutor Maychelle Ablog Sergio, nakitang nagkaroon ng sapat na katibayan na ang akusadong mga konsehal ay nakagawa ng mga pagkakasala sa panahon ng Sangguniang Panglunsod o city council session noong October 2023.

Makikita sa video na nag-viral sa social media, ang kawalang respeto nina Erfe Mejia, Fernandez at Lim-Acosta na paulit-ulit na nagpakawala ng maanghang na pananalita at insulto, maging ang tangkang agawin ang mikropono habang pinangungunahan ang session ni Presiding Officer, Vice Mayor Dean Bryan Kua na naging kalmado sa kabila ng natanggap nitong pambabastos mula sa tatlong akusado na pawang city councilors.

Nag-ugat ang kaguluhan ng matagal nang magkalaban sa pulitika, nang maaprubahan ang P1.3 bilyong budget na matagal nang naantala dahil sa pagkontra ng ilang konsehal, na para sana sa mamamayan ng Lungsod ng Dagupan.

Sinang-ayunan ng korte na ang pagiging halal na mga konsehal ng mga akusado ay hindi lisensya para magpakita ng kawalang respeto at dapat maging kalmado sa tuwing dadalo sa session ng Sangguniang Panglungsod.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

103

Related posts

Leave a Comment