AMBUSH NA NAMAN SA POLITIKO?!

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

DUMEPENSA ang PHILIPPINE NATIONAL POLICE (PNP) at binigyang-diin na walang kinalaman ang kanilang mga tauhan sa pananambang kay APARRI, CAGAYAN VICE MAYOR ROMMEL ALAMEDA.

‘Yan ang paniniyak ni PNP SPOKESPERSON COLONEL JEAN FAJARDO, at sinabi na maaaring nagsuot lamang ng uniporme ng pulis ang mga suspek upang palabasing lehitimong government forces ang mga kriminal.

Paliwanag pa ni Col. Fajardo, kinakausap na ng kanilang imbestigador ang mga nakakita o testigo sa naturang pananambang kay Vice Mayor Alameda at iba pa nitong mga kasama na pawang hindi na natakasan ang karit ni Kamatayan.

Dagdag pa ni Col. Fajardo, lumalabas sa paunang imbestigasyon na ninakaw lamang ang pulang plaka na ikinabit ng mga suspek sa kanilang ginamit na sasakyan sa pananambang kay Vice Mayor Alameda.

Ginagalugad na ng mga otoridad ang mga lugar kung saan maaaring magtago ang mga suspek at gayundin ang kanilang ginamit na sasakyan.

Pero ano ‘yung isang sasakyan na nasunog o sinunog na nakita ng mga otoridad na kahawig ng nakita sa CCTV na ginamit ng mga suspek, posible kayang iyon ‘yung sasakyan na ginamit ng mga suspek at kanila itong sinunog upang mapagtakpan ang kanilang krimen,

Kapag ganyang galawan, masasabi talagang mga propesyunal ang mga kriminal.

Bago ito, inambush din si Lanao del sur Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr. na mapalad namang nakaligtas subalit hindi pinalad ang kanyang mga tauhan na maligtasan ang karit ni Kamatayan. Kabilang sa napaulat na mga napatay ay sina Juraij Adiong, Aga Sumandar, Jalil Cosain at isang driver na nagngangalang Kobi.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ng mga otoridad kung anong grupo ang nasa likod ng nangyaring pananambang kay Governor Adiong at sa convoy nito sa bayan ng Maguing.

Lumabas sa paunang ulat na patungo sa isang taunang selebrasyon sa karatig na munisipyo ng Wao sa Lanao del Sur sina Governor Adiong nang mangyari ang naturang pananambang.

Bakit kaya lumulutang na naman ang karahasan? Dahil ba mahina ang ating mga otoridad? Kaya hindi takot ang mga kriminal?

Kailangan ba na katulad ni Pangulong Digong ang gawing estratehiya ng kasalukuyang administration? Kailangan na nga marahil na magpakita ng pangil ang ating mga otoridad baka kasi magising na lang tayo isang umaga na puro kriminal na ang ating sosyedad dahil sa malumanay na pag-aksyon ng mga kinauukulan.

Sabi nga ng mga taong naiinis na at ginigising ang mga natutulog sa pansitan na mga kinauukulan, aba’y “GISING NA, KUYA KO!” Kawawa ang mga matitino kung hahayaan n’yo na lang na mamayagpag ang mga walanghiya sa sosyedad.

375

Related posts

Leave a Comment