ANG MAS MATINDING PASAKIT NG KABABAIHANG FILIPINO DAHIL SA KAHIRAPAN

Psychtalk

Sa paglipas ng mga taon, tila mas naramdaman ng mas marami pa ring bahagdan sa ating populasyon ang paghirap ng buhay. Kahit anuman ang iulat sa iba’t iba na numero sa iba’t ibang economic at social indices, mga karanasan pa rin ng ordinaryong mamamayan ang mas pinaniniwalaan ng karamihan.

Parang may paligsahan sa pagtataas ng mga halaga ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan: ang singil sa tubig, kuryente, pamasahe, mga presyo ng bilihin, mga buwis na patung-patong na. Nandiyan din ang taunang pagtaas ng bayarin sa paaralan ng mga anak. Samakatuwid, lahat ng kailangan ng ordinaryong pamilya ay ‘di na mahabol ng presyo.

Kung gaano kabilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin, ganun din naman kabagal ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. Ilang taon na ang mga nakabinbing panukala sa pagtataas ng minimum wage sa isang mas makataong antas pero wala ring nangyayari. Kung mayroon mang sektor na natataasan ay yaong may kontrol ang pamahalaan. Ito ang sektor na kailangang kaibiganin para mapanatili ng mga nasa puwesto ang kanilang patuloy na pamamayagpag sa kapangyarihan.

Sa gitna ng kahirapang ito, marami ang umaaray. Ngunit mayroon siguro ang mga umaangal at ito ang sektor ng kababaihan lalo na ‘yung mga nasa maralitang mga komunidad. Mas matindi kasi sa kanila ang dagok ng kahirapan, mas direkta nilang nararamdaman ang hagupit nito.

Babae ang sumasakit ang ulo kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kita ng pamilya kapag namamalenge, paano pagkakasyahin ang mga nabiling pagkain, paano ang maayos na pagbabaha-bahagi ng mga pambaon sa iskuwela, ng budget para sa iba’t iba pang pangangailangan ng mag-anak.

Babae ang sumasakit ang ulo kung hindi nagkakasya ang inabot ng ama ng tahanan. Siya ang unang mabibigatan ang loob kung walang maihain sa hapag at makitang nagugutom ang anak na galing mismo sa sinapupunan niya. Sa usapin ng malnutrisyon, siya pa rin ang nasisisi bakit di nagluluto ng masustansiyang pagkain para sa mga anak. Ang tanong, kaya ba ng budget ang mga masustansiyang pagkain? Siya rin ang sisisihin kung ‘di kasya ang kakarampot na sahod ng asawa.

Suma-total, sa dulo ng mga bagay-bagay, ang usapin ng kahirapan ay usapin din ng mga kababaihan. Dahil kung tutuusin, mas sila ang nagdadala ng mga pasakit na dulot ng wala na yatang katapusang isyung panlipunan na ito.  (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

123

Related posts

Leave a Comment