BATANGAS INDUSTRIYALISADO KUNG MAY SAPAT NA KURYENTE

BISTADOR ni RUDY SIM

MALAKI ang tsansa na maging susunod na sentro ng logistics na sektor ang lalawigan ng Batangas, bukod pa sa pagkakaroon ng umuusbong na turismo, komersyal na pangingisda at information and communications Technology (ICT).

Ayon kay Hermilando Mandanas, gobernador ng lalawigan, ang kasalukuyang magandang lokasyon ng Batangas ay pabor sa mga korporasyon na nais magtayo ng kanilang opisina sa probinsiya, at angkop na angkop para maging sentro ng lohistikong kalakalan, para suportahan ang masisikip na mga pantalan sa Maynila, Subic-Clark at Cebu.

Para makamit ng Batangas ang mithi nitong maging industriyalisadong lalawigan, kailangan muna nitong magkaroon ng matatag at maasahang imprastraktura para masuportahan ang pagyabong ng mga sektor sa pamamagitan ng tamang suplay ng kuryente.

Ang Batangas ang may ikatlong mataas na kontribusyong ng GDP sa ekonomiya ng CALABARZON, pagkatapos ng Laguna at Cavite. Ayon sa pag-aaral, kapag mataas ang GDP ng isang lalawigan, mas mataas din ang pangangailangan nito sa suplay ng enerhiya dahil sa mataas na konsumo ng kuryente.

Sa kasalukuyan, ang suplay ng kuryente sa Batangas ay hindi sapat para suportahan ang plano nitong industriyalisasyon. Mga lokal na kooperatiba ng kuryente katulad ng Batangas I Electric Cooperative, Inc. (BATELEC I) at Batangas II Electric Cooperative, Inc. (BATELEC II), ang nagsusuplay ng pangangailangang enerhiya sa lalawigan

Pero ang problema, hindi kayang suplayan ng kuryente ng mga kooperatiba ang kailangan ng mga negosyante, kaya madalas pumapalya ang suplay na nagreresulta sa mahabang brownout o hindi maasahang dami ng suplay at iba pang masamang serbisyo na nagdudulot ng sakit ng ulo sa mga lokal na kumpanya.

Dahil sa madalas na paghinto ng suplay ng kuryente, hindi tuloy makapagbigay ng episyenteng serbisyo ang mga kumpanya sa kanilang kustomer, at madalas pa nagiging sanhi para madaling masira ang kanilang mga kasangkapan.

Ang nakalulungkot, dahil limitado lang ang kapital ng mga kooperatiba, wala silang kakayahan para ayusin at pagandahin ang kanilang mga pasilidad at serbisyo kaya naantala ang paglago ng lokal na ekonomiya.

May mga mungkahi na mula sa mga lokal na negosyante, pati na ang mga nagmamay-ari ng beach resorts, na lubos na naapektuhan ang operasyon dahil sa madalas na brownout, na payagan nang makapasok sa Batangas ang malalaking kumpanyang nagsusuplay ng elektrisidad, katulad ng Meralco, para masiguro na may sapat silang suplay ng kuryente.

Hindi lingid sa lahat na ang Meralco ang pinakamalaking pribadong kumpanya sa bansa na nagdi-distribute ng kuryente. Ito ay nagsusuplay ng kuryente sa 39 na lungsod at 72 munisipalidad, at may 55% na bahagi sa pangkalahatang ibinibigay na elektrisidad sa bansa.

May mga pag-uusap nang isinasagawa ang Meralco sa mga kooperatiba para magkaroon ng pormal na pagsasanib-pwersa para tugunan ang pangangailangan ng sapat na enerhiya sa Batangas.

Kung susuriing mabuti ang maibabalik sa ekonomiya, may sapat na teknikal na kakayanan ang Meralco at magagamit pa nito ang mga asset na mga linya ng distribusyon sa mga prangkisa nito sa Cavite, Laguna at Quezon para matulungan ang ‘di pa sakop ng prangkisa nito.

May pinansyal na kapasidad ang Meralco para mangapital upang pag-ibayuhin ang serbisyo para nga kustomer, kasama na ang training para madebelop at mahasa pang mabuti ang mga empleyado nito.

Kasama sa prayoridad ng socio-economic agenda ng Pangulong Marcos Jr. ang pagkakaroon ng seguridad sa enerhiya sa bansa. Naniniwala ang Pangulo na ang sapat na suplay ng enerhiya ay importante para maka-engganyo pa ng mga banyagang negosyante na pumasok sa bansa na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.

Nasa tamang daan patungo sa pagiging industriyalisado ang Batangas Kasunod ng Laguna at Cavite, malakas ang hatak ng Batangas para makaakit ng mga potensyal na negosyante.

Krusyal sa pagiging industriyalisado ng Batangas ang pagkakaroon ng maasahan at tamang suplay ng kuryente. Kung wala nito, malaking hamon para maakit ang mga potensyal na negosyante na mamuhunan sa lalawigan.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

39

Related posts

Leave a Comment